Alopecia: matagalang gamutan, bumabalik at pwedeng permanente

Ang pagkakaroon ng alopecia ay kadalasang nasa edad 30 hanggang 60-anyos. Bagama’t hindi ito nakahahawa, ito ay namamana at maaaring magkaroon nito ang mas bata pang edad kumpara sa nabanggit.

Numinipis ba ang iyong buhok at pakiramdam mo ay ibang uri ito ng pagninipis? Baka alopecia na iyan.

Ang alopecia areata ay isang uri ng sakit. Ito ay ang pagkawala ng buhok na patsi-patsi (spot baldness). Maaaring malagas ang buhok mula sa anit at sa iba pang bahagi ng katawan.

Isa itong autoimmune disease, ibig sabihin nilalabanan ng ating katawan ang pagtubo ng buhok. Sa autoimmune disorder na ito ang hair follicles ay nasisira ng misguided immune system.

Sa pag-aaral, lima sa bawat 10 babaeng nasa edad 35-anyos ay maaaring makaranas ng alopecia habang apat sa 10 lalaki naman ang nakararanas din ng medical condition na ito sa parehas ding edad.

Karaniwang nakatatanggap ng pamimintas o diskriminasyon ang taong may alopecia.

MGA URI NG ALOPECIA AREATA

– Alopecia areata (pagkalagas ng buhok na patsi-patsi)

– Alopecia totalis (pagkaubos ng lahat ng buhok sa anit)

– Alopecia universalis (pagkaubos ng lahat ng buhok sa katawan)

SANHI NG STRESS

Ang current evidence sa pagkakaroon ng sakit na ito ay dahil sa abnormal na nangyayari sa immune system na nakakasira ng hair follicles. Ang partikular ay humahantong sa autoimmunity tulad ng nabanggit. Ito ang misguided immune system na umaatake sa mismong katawan. Ang resulta, ang immune system ay direktang umaatake sa tissues ng katawan.

Karaniwan ding naririnig na ang stress ay nakakalagas ng buhok. Stress ang isa mismong itinuturong dahilan ng alopecia maliban sa ito ay namamana. May ibang nakakaranas ng depression ang nagreresulta rin sa pagkalagas ng buhok sa buong katawan.

Ayon sa mga doktor, ang stress ay maituturing nang sakit at dahil marami kang iniisip o iniindang problema ay nagiging daan ito para mag-react ang katawan, humihina ang immune system kaya ang isang epekto ay ang pagkalagas ng buhok.

SINO ANG APEKTADO SA ALOPECIA?

Ang pagkakaroon ng alopecia ay kadalasang nasa edad 30 hanggang 60-anyos. Bagama’t hindi ito nakahahawa, ito ay namamana at maaaring magkaroon nito ang mas bata pang edad kumpara sa nabanggit.

Ang alopecia ay isang “polygenic disease.” Nangangahulugan ito na hindi katulad ng isang single-gene disease, ang parehong mga magulang ay dapat mag-ambag ng ilang tiyak na mga gene upang ma-develop o magkaroon ang bata ng alopecia. Dahil dito, ang karamihan sa mga magulang ay hindi makapapasa ng alopecia areata sa kanilang mga anak. Sa identical twins – na nagbabahagi ng lahat ng parehong mga genes – ay mayroon lamang 55% na pagkakataon kung ang isa ay may alopecia areata, ang kakambal nito ay maaaring mayroon din. Ito ang dahilan kung bakit naniniwala ang mga siyentipiko na “it takes more than just genetics to cause the disease and that other environmental factors also contribute to people developing alopecia areata.”

GAMUTAN

Namamana ang pagkakaroon ng alopecia na kahit bata ay pwedeng magkaroon nito.

Matagal ang gamutan sa alopecia at maaaring bumalik ang kondisyon o maaaring maging permanente na ito. Sa malalang kaso ay maaaring ikonsidera ang hair transplant.

Kung hindi naman malala ang alopecia ay maaaring kusang gumaling sa loob ng isang taon.

May mga ini-inject o pinapahid na gamot para mag-stimulate ng hair growth.

Ngunit ayon sa mga doktor, ang gamutan na naging epekto sa isang pasyente ay maaaring hindi maging parehas sa iba pang pasyente.

MGA DAPAT GAWIN NG MAY ALOPECIA

– iwasan ang stress

– kumain nang maayos at piliin ang masusustansyang pagkain. Kumain ng pagkaing mayaman sa zinc tulad ng manok at seafood

– matulog nang sapat

– mag-exercise

– magpakonsulta sa dermatologist

HAIR LOSS

Hindi lahat ng pagkalagas ng buhok ay direktang dahil sa alopecia.

Sa araw-araw, natural na may nalalagas na buhok sa atin. Pero ang kondisyon na ito ay nag-iiba-iba depende sa mga tao lalo na kung iba ang sistema ng kanilang katawan.

Mga dahilan ng pagkawala ng buhok:

– malubhang sakit

– bagong panganak

– impeksyon

– sobrang pagda-diet o nagbabawas ng timbang

– mataas na lagnat

– pagsasailalim sa major surgery

– kawalan ng nutrisyon ng katawan

– stress

– pag-inom ng gamot

– pagbabago ng katawan dahil sa hormones

PAANO NALALAGAS ANG BUHOK?

Tatlo ang stage ng buhay ng hibla ng buhok:

Anagen – ito ang patuloy na pagtubo ng buhok kung saan ½ inch ang hinahaba nito kada buwan at tumatagal ito ng 2 hanggang pitong taon.

Catagen – ito ang stage na tumitigil sa pagtubo ang buhok at tumatagal

Telogen – ang buhok ay nasa ulo pa rin at hindi pa nalalagas.

Matapos ang tatlong stage na ito ay natural nang malalagas ang buhok. Ngunit sa mga taong nakakaranas ng stress, may sakit, o pagbabago sa kanilang hormones sa katawan ay agad na tumitigil ang anagen stage at humihinto na ang pagtubo ng buhok hanggang sa tuluyang makaranas ng pagkalagas ng buhok.

Payo pa ng doktor na sa simula pa lamang ng unti-unti o hindi normal na pagkalagas ng buhok ay dapat na itong ipakonsulta sa doktor.

Kung nahihiya namang magtungo sa doktor ay opsyon ang magpunta sa mga botika at tanungin ang kanilang herbal medicines para sa paglagas ng buhok. Iwasan na bumili ng mga produktong may kemikal dahil maaaring makasama pa ito sa problemang dinaranas.