Alipunga: Sakit sa balat na nakahahawa ngunit nagagamot

Ang pagsusugat na nangyayari sa pagitan ng mga daliri sa paa bilang senyales ng sakit sa balat na athlete's foot o alipunga.

Ang alipunga ay isang uri ng sakit sa balat na dulot ng fungi. Ang fungal infection ay maaaring kumapit sa buong katawan ngunit kapag ito ay lumapat sa balat ng paa, ang tawag dito ay “athlete’s foot” (tinea pedis) o tinatawag na alipunga. Kadalasang nangyayari ito sa mga tao kapag ang paa ay pawisin at madalas gumamit ng closed shoes.

Ang parehas na fungus ay maaari ring tumubo sa ibang bahagi ng katawan. Gayunman, mas karaniwang nangyayari ito sa mga paa sa kahit na sino at anoman ang edad.

Hango ang katawagang “athelete’s foot” dahil sa epekto sa mga tao na may mga paang madaling kapitan ng moisture (kahalumigmigan) buildup bilang resulta ng sobrang pagpapawis na karaniwang nangyayari sa mga atleta.

Paano nagkakaroon ng alipunga?

Ang alipunga ay sanhi ng parehong uri ng fungi (dermatophytes) na nagdudulot ng ringworm at jock itch. Ang pagsuot ng mga mamasa-masa na medyas, mahihigpit na sapatos habang nasa mainit, mahalumigmig na panahon ay nagiging daan upang lumaki ang mga organismo sa paa.

Ano-ano ang mga karaniwang senyales ng alipunga?

  • Makaliskis, nagbabalat o bitak na balat sa pagitan ng mga daliri ng paa
  • Makati, lalo na matapos magtanggal ng sapatos at medyas
  • Namamagang balat na maaaring mamula-mula, kulay-abo, depende sa kulay ng iyong balat
  • Pakiramdam na mahapdi
  • Mga paltos
  • Tuyo, nangangaliskis na balat sa ilalim ng paa na umaabot sa gilid

Nakahahawa ba ang alipunga?

Ang alipunga ay maaaring maipasa o makahawa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng contact sa balat ng isang taong mayroon na nito. Maaari ring makahawa ang alipunga kapag ginamit ang gamit ng taong mayroong kondisyon na ganito.

Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng alipunga?

Ang mga sumusunod ay makatutulong upang hindi magkaroon ng alipunga at upang hindi makahawa sa iba kung mayroon na nito

  • Huwag magsuot ng sobrang sikip na sapatos
  • Ugaliing maghugas ng paa
  • Iwasang ulit-ulitin ang medyas na isinusuot. Ugaliing magsuot ng medyas na bagong laba araw-araw
  • Ugaliing mag-alternate ng paggamit ng sapatos
  • Ugaliing maglagay ng polbo or ointment sa paa

Paano gamutin ang alipunga?

Mayroong dalawang paraan ng paggamot sa alipunga. Ang isa ay ang home remedy at ang pangalawa ay ang pagkonsulta sa dalubhasa.

Ayon sa medicalnewstoday.com ang mga sumusunod ay nakatutulong sa paggamot ng alipunga.

  1. Tea tree oil

Nakatutulong sa pagpuksa ng fungi at bacteria.

  1. Bawang

Katulad ng tea tree oil, ang bawang din ay nakatutulong sa pagpuksa mg fungi at bacteria.

  1. Hydrogen peroxide with iodine

Ito naman ay nakatutulong para puksain ang mga germs.

  1. Hair dryer and talcum powder

Nakatutulong naman ang pagpapatuyo ng paa lalo na sa pagitan ng mga daliri upang antalain ang pag-grow ng mga fungi na siyang sanhi ng alipunga.

  1. Baking soda

Nakatutulong ito upang patayin ang fungi. Para sa pagbabad ng paa, paghaluin ang halos kalahating tasa ng baking soda sa isang malaking balde o palanggana na mayroong maligamgam na tubig. Ibabad ang mga paa nang 15 hanggang 20 minuto, dalawang beses sa isang araw. Kapag tapos na, patuyuing mabuti ang mga paa ngunit huwag banlawan.

Kung ang home remedy ay hindi gumana, maaaring komunsulta sa isang doktor. Maaaring magreseta ang doktor ng mga antifungal cream o gamot.

Mahalagang gamutin ang patuloy na kaso ng athlete’s foot dahil ang fungus ay maaaring kumalat sa mga kuko, iba pang bahagi ng katawan, at iba pang tao.