AED Law: Dugtong sa buhay ng nakararanas ng cardiac arrest

Pamilyar ba kayo sa AED o Automated External Defibrillator? Eh ang sudden cardiac arrest o SCA?

Ang Automated External Defibrillator (AED) ay isang portable, life-saving device na ginagamit upang maibalik ang normal na ritmo ng puso sa mga indibiduwal na nakararanas ng SCA.

Ang usaping ito ay tinalakay nang husto sa ginanap na online discussion sa pangunguna ng Philippine Heart Association (PHA) noong Oktubre 18 para sa talakayang Usapang Puso sa Puso. Isinagawa ito kaugnay ng pagdiriwang ng World Restart a Heart Day (WRaHD), may layuning itaas ang kamalayan tungkol sa kahalagahan ng early cardiopulmonary resuscitation (CPR) at defibrillation sa pagliligtas ng mga buhay.

Naging bahagi ng UPP sina Dr. Don Robespierre Reyes, chair ng PHA Council on CPR, UPP host; at Dr. Francis Lavapie, past chair ng PHA Council on CPR, walong taon nang nasa kampanyang CPR/AED- ReadyPH mula pa noong unang araw. Naging panauhin dito sina Atty. Abelardo Maglanque, chief legislative office ni Senator Lito Lapid; at Atty. John Paul Nabua, legal consultant ni Cong. Bernadette Herrera.

Sina Lapid at Herrera ang naghain ng panukalang batas (Senate Bill No. 2474 at House Bill 1393) na nag-uutos ng paglalagay ng AED sa mga establisimyento.

Ang naging panelists sa online forum na “Philippine Heart Association (PHA) Usapang Puso sa Puso” kaugnay ng AED (Automated External Defibrillator) Law na sina (clockwise) Dr. Don Robespierre Reyes, chair ng PHA Council on CPR, UPP host; Dr. Francis Lavapie, past chair ng PHA Council on CPR; Atty. Abelardo Maglanque, chief legislative office ni Senator Lito Lapid; Gynna P. Gagelonia, PHA Media Relation Officer; at Atty. John Paul Nabua, legal consultant ni Cong. Bernadette Herrera.

Ugnayan ng AED at SCA

Ang sudden cardiac arrest, na tinatawag ding sudden cardiac death, ay nangyayari kapag ang puso ay biglang tumigil sa pagtibok, na humahantong sa pagkawala ng daloy ng dugo at oxygen sa utak at iba pang mahahalagang organ. Sa ganitong mga kritikal na sitwasyon, ang oras ay mahalaga, at ang AED ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa pagpapabuti ng mga pagkakataong mabuhay pa katuwang ng pagsasagawa ng CPR.

Gumagana ang AED sa pamamagitan ng pagsusuri sa elektrikal na aktibidad ng puso at naghahatid ng electric shock, kung kinakailangan, upang maibalik ang isang normal na ritmo. Ito ay idinisenyo upang maging user-friendly, na may malinaw na mga tagubilin o instructions at voice prompt na gumagabay sa rescuer sa proseso.

Ang pagsasadulang ito ay pagsasalba ng buhay ng isang pasyenteng nakararanas ng sudden cardiac arrest. Ang mga rescuer ay agarang nagbibigay lunas sa pagsasagawa ng cardiopulmonary resuscitation o CPR (kanan) habang ginagamitan ng device na automated external defibrillator o AED.

Binubuo ang device ng mga adhesive electrode pad na nakakabit sa dibdib ng pasyente, na nagpapahintulot sa AED na subaybayan at suriin ang mga electrical signal ng puso. Kung kinakailangan ang pagkabigla, inihahatid ito ng AED sa isang kontroladong paraan upang matulungan ang puso na maibalik ang normal na ritmo nito. Bukod pa rito, karamihan sa mga AED ay nagbibigay ng visual at auditory na feedback upang tulungan ang user sa pagsasagawa ng CPR (cardiopulmonary resuscitation) nang epektibo hanggang sa dumating ang mga medikal na propesyonal.

Si Dr. Robespierre “Doc HeartRob” Reyes, habang tinatalakay sa video presentation na ito ang kahalagahan ng Automated External Defibrillator o AED bilang tulong sa pagligtas ng buhay ng pasyenteng dumaranas ng cardiac arrest.

AED at ang paghihimok ng PHA na gamitin ito sa mga establisimyento

Sa naitutulong nang malaki ng AED, mahalagang magkaroon nito sa iba’t ibang lugar tulad mga paaralan, workplaces, public spaces at healthcare facilities – bagay na hinihimok nang husto ng Philippine Heart Association bilang kanilang adbokasiya.

Atty. Abelardo Maglanque ang chief legislative office ni Senator Lito Lapid.

“Cardiac arrest is a time sensitive emergency kaya, the sooner the response, the better the outcome. Survival and quality of life are priorities here. Kaya dapat accessible talaga. I had trips abroad and AEDs were very visible,” said Maglanque.

“From the moment of SCA, kung within less than 5 minutes na-CPR and AED, mas-mataas chances of survival; more than 30%. Kapag lagpas nito, lumiliit ang chances of survival, and if more than 10 minutes then less than 5% chances of survival. So early administration of AED is crucial,” paliwanag naman ni Dr. Lavapie.

Noong Hulyo tinalakay at hinimok na ng PHA-Central Luzon na magkaroon ng AED sa iba’t ibang lugar. Ganito kaseryoso ang PHA sa kanilang tungkulin na magkaroon ng opsyon para maduktungan ang buhay ng pasyente sa sandalling nasa emergency ito dala ng cardiac arrest. Gayundin, bukas ang PHA sa pakikipagtambalan sa gobyerno at pribadong kompanya sa kanilang pagsasanay sa CPR.

Ang isyu rin sa lagay ng trapiko sa bansa ay sagabal sa emergency at sa malaking posibilidad na magdugtungan ang taong na-cardiac arrest.

“Sa ibang bansa may AED talaga na naka-ready; gyms should have AEDs, know CPR. Hindi pa masyadong common ang AED at CPR dito, as we can see, na maraming survivors sa ibang bansa. Walang datos ng SCA sa Philippines,” litanya ni Dr. Reyes. “Problema pa sa Manila, traffic. So dapat, sandamakmak na AEDs everywhere, kasi ‘di pa okay ang emergency response system natin.”

Bagaman mahirap ang pagsusulong ng batas hinggil sa mandating pagkakaroon ng AEDs, patuloy pa rin sa pagsisikap ang kampo ni Cong. Herrera.

“As early as next year we are hoping maka-pasa sa first reading at least yung bill. If not passed within the 19th congress, we would need to refile, then back to square one,” ani Atty. Nabua.

Magpapatuloy ang talakayan na ito at iba pang paksa sa gaganaping Training of Trainers (TOT) sa Luxent Hotel sa Quezon City. Inaasahang 165 Filipino emergency responders at heart doctors ang dadalo sa TOT.

Ang layunin ng Philippine Heart Association sa pagsulong ng mandatong pagkakaroon ng Automated External Defibrillator sa mga pampublikong lugar bilang pansagip sa buhay sa dumaranas ng cardiac arrest.