Abuan River Adventure and Eco Park, natural attraction sa norte

Ang aerial view ng Abuan River Adventure and Eco Park sa Barangay Cabeseria 10 ng City of Ilagan sa lalawigan ng Isabela. (Kuha ng City of Ilagan)

Sa linis ng tubig at ganda ng kapaligiran ng Abuan River Adventure and Eco Park, puwede mong angkinin ang mundo kahit saglit. Ganyan kaganda ang natural attraction ng City of Ilagan.

Hindi mo pagsisisihan na dayuhin at tuklasin ang lugar na ito sa norte. Mula Isabela Provincial Capitol, 40 minutes na biyahe bago marating ang Abuan River Adventure and Eco Park.

Ang isang bahagi ng Abuan River na nagpapamalas ng natural na ganda ng kalikasan. (Kuha ni Ann Esternon)

Ang ilog na 82 meters above sea level ay may habang 65 kilometro at nasa bahagi ng Northern Sierra Madre National Park, natitirang tropical rainforest sa Luzon.

Sa linaw ng tubig, kita ang iba’t ibang bato, mga isda, at seashells. Malinis at malamig ang tubig kaya masarap ding magbabad na tipong minamasahe ka ng agos nito.

Sa pagbisita, tatambad din sa ang malinis na buhangin, maliliit na bato sa ilalim mismo ng tubig, may boulders din at naglalakihang rock formations sa paligid.

Si Ms. Sydney Pontejos ng City Information Office ng City of Ilagan bilang tourist guide sa pagbisita ng media group sa Abuan River Adventure and Eco Park. (Kuha ni George Buid)

Acitivities ba kamo? May choices ka mula sa swimming, paragliding, jet skiing, boating, kayaking, all-terrain-vehicle riding, at iba pa.

Wala ring pagbabawal sa trip mong kasuotan basta naroon pa rin ang karaniwang disenteng swimwear.

Sina Ms. Elvie Altes ng Abante at Cris Gabion ng Negosentro habang enjoy sa pagsakay sa all-terrain vehicle papanik sa view deck area ng Abuan River Adventure and Eco Park. (Kuha ni George Buid)

Puwedeng magbaon ng pagkain at dapat lamang gawin ito sa nakalaang cottages na nasa paligid ng ilog. Kung wala mang dala ay may mga mabibiling mga pagkain sa entrada ng park, maraming pagpipilian.

Hindi rin problema ang comfort rooms dahil nakaayos ito sa tamang puwesto.

Ganda rito! Mula sa baba, puwedeng mag all-terrain vehicle para marating ang “Pagwanawanan ti Ilagan” (Ilagan Watchtower) para magkaroon ng bird’s eye view ng Abuan River Adventure and Eco Park. (Kuha ng City of Ilagan)

 

Rehabilitasyon

Bago naging Abuan River Adventure and Eco Park, sadyang puntahin ang ilog sa Bintacan Village ng Barangay Cabeseria 10.

Marami ang bumibisita, habang ang iba ay permanenteng narito dahil malayang nagagawa ang gusto.

Sa kakulangan din ng ordinansa para pangalagaan ang ilog, naging abusado ang marami kaya’t nagkalat ang mga basura at nawawalan ng buhay ang kapaligiran.

Ang itsura ng Abuan River bago ito dumaan sa rehabilitasyon. (Kuha ng City of Ilagan)

Sa rekomendasyon ng World Wide Fund at ng kilalang urban planner na si Architect Felino “Jun” Palafox, Jr., isinulong ang rehabilitasyon para maging ecotourism destination at bahagi ng sustainable tourism development ng lungsod.

Kaugnay nito, noong Enero 9 ay pansamantalang isinara ang Abuan River upang bigyang-daan ang rehabilitasyon nito.

Inisyal na planong matapos ang rehabilitasyon sa loob ng isang taon pero dahil sa seryosong adhikain ng lokal ng “Livable City by 2030” na proyekto sa pangunguna ni Mayor Josemarie Diaz, nagawang matapos ang malaking porsyento ng pagsasaaayos sa loob ng isang buwan. Naging mabilis ang pagbabago dahil malaking bahagi rin nito ang pagtugon ng mamamayan ng City of Ilagan partikular ng taga-Barangay Cabeseria 10.

Matapos mailatag ang bagong polisiya para sa kaligtasan at proteksyon ng publiko at kalikasan, at paglagay ng amenities ay pormal na binuksan sa publiko ang Abuan River Adventure and Eco Park noong Marso 11.

Lumikha ang pagbubukas na ito ng tinatayang 150 lokal na trabaho, kabilang dito ang mga katutubong Agta na may 23 tahanan sa Agta Village na nasa bungad ng park. Nabigyan sila ng trabaho bilang lifeguards at tourist guides sa lugar. Sila rin ang katuwang sa pagpapanatili ng kalinisan ng Abuan River.

Ang grupo ng media na nasa view deck area ng Abuan River Adventure and Eco Park. (Kuha ni George Buid)

Bilang sorpresa, marami pang positibong pagbabagong makikita sa natural attraction na ito.

Ang pagbubukas nito ay nagbigay ng bagong rates – na siyang gagamiting pondo rin sa ikabubuhay ng mga naninilbihan dito at patuloy pang pagpapaganda sa park.

Ang grupo ng media na nasa view deck area ng Abuan River Adventure & Eco Park. (Kuha ni George Buid)

 

 

Abuan River sa paglipas ng panahon

Sa collection ng geological data sa lokasyon ng Abuan River, ito ay Abuan Formation na tinawag na Abuan River Formation ng Metal Mining Agency of Japan (MMAJ) at Japan International Cooperation Agency (1989).

Sa composition at structural characteristics, ang lugar ay may volcanic at sedimentary rocks – nagpapahiwatig ng isang complex geological history nito. Ang volcanic rocks ay nagsasabing may past activity ng volcanoes sa region noon, habang ang mga sedimentary rocks ay nagpapakita ng past environmental conditions. Kaya kung magagawi sa Abuan River, pasilip ito kung ano ang lugar milyong taon na ang nakalilipas (Eocene period), ayon sa pag-aaral.

Maraming dekadang taon na ang lumipas, nakilala rin ang ilog bilang ruta ng mga bugador para ilipat ang mga trosong galing sa gubat papuntang City of Ilagan. Mga bugador ang tawag sa mga lalaking nagdadala ng kontrabandong kahoy. Kaugalian kasi noon na may illegal logging at charcoal production activities sa lugar.

Ang isang bahagi ng Abuan River na may maliliit na boulders at kitang malinaw ang tubig nito.

Noong 1990s, kinilala ng Department of Interior and Local Government bilang “cleanest river” ang Abuan River sa Cagayan Valley.

Ang epekto ng pagkasira ng kagubatan ng Sierra Madre ay humantong sa pagkasira rin noon ng ecosystem services sa lugar.

Noong 2018, nakatanggap ang Abuan River ng P55-million project grant mula sa Abuan Integrated Watershed Management Program (AIWMP) para bumuo ng mga plano sa pagbawas sa panganib ng baha at tagtuyot. Ang AIWMP ay bumuo ng climate models, decision support tools, at hydrologic and hydro-agronomic models upang ma-simulate ang pagbaha at pagkatuyo ng lugar. Ang hydrologic models ay ginagamit sa isang early flood warning system at isang Farmer Decision Support System (FDSS) para sa mga magsasaka.

Ang pinakahuling crop at weather advisories, kabilang ang payo kung kailan magtatanim, gaano karaming pataba ang gagamitin, at kung paano pamahalaan ang tubig, ay ipinapadala sa mga magsasaka at extension agent sa pamamagitan ng FDSS.

Tama na muna ang kuwento at dumayo na sa Abuan River Adventure and Eco Park!

Kung taga-Maynila ka, aabutin ka ng 13-oras na biyahe (by land, public transpo) para ma-experience ang handog ng park. Hanap ka lamang ng affordable hotels para suliting makapagbabad sa ilog. Instagrammable ang lugar. Magbitbit na rin ng makakasama para siksik sa memories!

Ang mahabang lane ng mga tindahan sa entrada ng Abuan River Adventure and Eco Park. (Kuha ni Ann Esternon)

Rates:

  • Cottages: P500 for 3 x 3 m., P300 for 2.5 x 2 m.
  • Canopy (280 x 480): P500
  • Umbrella: P150
  • Pedal boating: P150 for 30 mins.
  • Boating: Php200 for 45 mins., maximum of 8 pax
  • Kayaking: P150 for 30 mins.
  • Crystal-clear kayaking: P150
  • Paragliding (15 mins.): P2,500
  • Paramotor (15 mins.): P2,500
  • Jetski (15 mins.): P1,200
  • Motorboat (15 mins., maximum of 6 pax): P500
  • Water tubing (maximum of 6 pax): P500
  • All-terrain vehicles (ATV): P250 (small, 15 mins.), P400 (small, 30 mins.), P300 (big, 15 mins.) and P500 (big, 30 mins.)

 

Abuan River Adventure and Eco Park

Barangay Cabeseria 10, City of Ilagan, Isabela

City Tourism Office: 2/F, City Hall Bldg.,

3300 City of Ilagan, Isabela

Tel: (078) 624-1511. E-mail: tourism@cityofilagan.gov.ph

Ang nakatutuwang linis at linaw ng tubig ng Abuan River. (Kuha ni Ann Esternon)