Abril 21 deklaradong regular holiday

Inanunsyo ng Palasyo ng Malacañan na isang regular holiday ang Abril 21 bilang paggunita sa Eid’l Fitr o ang Feast of Ramadan ng mga kapatid nating Muslim.

Ang pahayag na ginawa nitong Biyernes ay nasa ilalim ng Proclamation No. 201 na ang Abril 21 ay isang pista opisyal na nilagdaan noong Abril 14 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ito ay kasunod ng rekomendasyon ng National Commission on Muslim Filipinos para sa naturang okasyon.

“In order to bring the religious and cultural significance of the Eid’l Fitr to the fore of national consciousness, and to allow the entire Filipino nation to join their Muslim brothers and sisters in peace and harmony in the observance and celebration of the Eid’l Fitr, it is necessary to declare Friday, 21 April 2023, as a regular holiday throughout the country,” ayon sa kautusan.

Sa bisa ng Republic Act 9177 at Presidential Proclamation 1083, ginawang regular holiday ng pamahalaan ang Eid’l Fitr noong 2002 bilang pagkilala sa kasaysayan ng Islam sa Pilipinas. Ang okasyong ito ay isa sa dalawang pinakamahalagang piyesta opisyal ng Islam na ipinagdiriwang ng pamayanang Muslim.

Tatlong araw kasunod ng pagtatapos ng buwan ng pag-aayuno, ipinagdiriwang ng mga kababayan nating Muslim sa buong mundo ang Eid al-Fitr. Ito ay isang makabuluhang relihiyosong okasyon dahil ito ay nagpapahiwatig ng pagtatapos ng Ramadan na isang banal na buwan ng pag-aayuno ng Islam.