Abril 10: Regular holiday kaugnay ng Eid’l Fitr

Sa bisa ng Proclamation No. 514, idineklara ng Palasyo ng Malacañan na ang Abril 10, Miyerkoles bilang isang regular holiday sa buong bansa bilang pakikiisa sa paggunita ng Eid’l Fitr (Feast of Ramadan) ng mga kapatid nating Muslim.

Ang pag-uutos ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Samantala, ang Abril 9 ay isa ring regular holiday bilang pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan o Day of Valor.

Ano ang Eid’l Fitr?

Pagkatapos ng isang buwang pag-aayuno, ipinagdiriwang ng mga Muslim sa buong mundo ang Eid’l Fitr sa loob ng tatlong araw. Ito ay isang makabuluhang okasyong panrelihiyon na sinusunod ng mga kapatid nating Muslim sa buong mundo upang gunitain ang pagtatapos ng Ramadan, ang banal na buwan ng pag-aayuno ng Islam.

Kinikilala ang pagdiriwang na ito sa Pilipinas bilang pista opisyal alinsunod sa Republic Act No. 9177 at Presidential Proclamation No. 1083, na parehong pinagtibay noong Nobyembre 13, 2002.