About Us But Not About Us, big winner ng MMFF

Romnick Sarmenta at Elijah Canlas para sa pelikulang About Us But Not About Us.

Finally! Talagang makatotohanan ang Summer Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayon dahil umabot sa awards night ito. Kasi naman, tatlong taon itong na-delay dahil sa hindi matapos-tapos na kasaysayan ng pandemya!

Sinimulan noong Abril 8, walong pelikula ang ipinalabas sa mga sinehan na opisyal na kalahok sa kauna-unahang summer edition ng naturang festival pero higit na nangibabaw ang About Us But Not About Us. Big winner dahil 10 mga parangal lamang naman ang nasungkit nila.

Ang big winners ng Summer Metro Manila Film Festival na sina Elijah Canlas (kaliwa) at Romnick Sarmenta para sa pelikulang About Us But Not About Us. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Ang mga nagwagi 

Best Lead Actress – Gladdys Reyes para sa Apag

Best Supporting Actress – Jervi “KaladKaren” Li para sa Here Comes The Groom

Best Lead Actor – Romnick Sarmenta para sa About Us But Not About Us

Best Supporting Actor – Keempee de Leon para sa Here Comes the Groom

Best Picture – About Us But Not About Us

Second Best Picture – Love You Long Time

Third Best Picture – Here Comes the Groom

Best Director – Jun Robles Lana para sa About Us But Not About Us

Best Screenplay – Jun Robles Lana para sa About Us But Not About Us

Best Cinematography – Neil Daza para sa About Us But Not About Us

Best Production Design – Marxie Maolen Fadul para sa About Us But Not About Us

Best Editing – Lawrence Ang para sa About Us But Not About Us

Best Sound – Armand de Guzman para sa About Us But Not About Us

Best Musical Score – Teresa Barrozo para sa About Us But Not About Us

Best Original Theme Song – Paralaya ni Andy Alviz para sa Apag

Special Jury Prize – Here Comes the Groom at Elijah Canlas para sa About Us But Not About Us

Best Float – Love You Long Time

Ang Best Lead Actor na si Romnick Sarmenta na napili sa Summer Metro Manila Film Festival. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Naging punong hurado sa pagpili ng winners dito si Dolly De Leon na naging 80th Golden Globes at 2023 British Academy Film Awards nominee.

Ang gabi ng parangal ay ginanap sa New Frontier Theater sa Quezon City noong Abril 11.

Si Gladdys Reyes na ginawaran ng Best Lead Actress para sa Apag bilang bahagi ng Summer Metro Manila Film Festival. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Ang mga kalahok na pelikula ng MMFF

About Us But Not About Us, isang psychological drama na idinirehe ni Jun Robles Lana. Bida rito sina Romnick Sarmenta at Elijah Canlas.

Apag, isang suspense drama na pinagbidahan nina Coco Martin, Lito Lapid, Gladys Reyes, Jaclyn Jose, at Mercedes Cabral. Ang pelikulang ito na idinirehe ni Brillante Mendoza ay nagkaroon na ng international screening sa Busan International Film Festival, World Film Festival of Bangkok, at Asian Film Festival.

Here Comes The Groom, comedy film na pinagbidahan nina Enchong Dee, KaladKaren, Maris Racal, Keempee de Leon, Awra Briguela, Gladys Reyes, Miles Ocampo, at drag queen Xilhouete.

Si Jervi Li na mas kilalang “KaladKaren” na nagwaging Best Supporting Actress ng Here Comes The Groom. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Kahit Maputi na ang Buhok Ko, isang musical drama kung saan bumida rito sina RK Bagatsing, Meg Imperial, Christopher de Leon, Ariel Rivera, Lotlot de Leon, at Rossana Roces. Ito ay sa direksyon ni Joven Tan.

Love You Long Time, isang romance-drama sa direksyon ni JP Habac at pinagbidahan nina Carlo Aquino at Eisel Serrano.

Single Bells, isang comedy film na pinagbidahan nina Alex Gonzaga, Angeline Quinto, at Aljur Abrenica. Ito ay sa direksyon ni Fifth Solomon.

Unravel: A Swiss Side Love Story, romantic drama ito nina Gerald Anderson at Kylie Padilla sa direksyon ni RC Delos Reyes.

‘Yung Libro sa Napanood Ko, isang romantic drama film din na pinagbidahan nina Bela Padilla at Yoo Min-Gon. Ito ay sa direksyon din ni Bela.

Ang Best Picture na iginawad ng Summer Metro Manila Film Festival sa mga bumubuo ng pelikulang About Us But Not About Us. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Congrats sa mga nagwagi! Sa mga hindi pinalad, sometimes you win, sometimes you learn. Go pa rin kayo sa craft ninyo kahit ano pang mangyari.

Pero tama ang review ng marami na sana hindi itinapat sa Holy Week ang pagpapalabas ng entries dahil bukod sa kanya-kanyang larga sa iba’t ibang planeta ang mga tao ay sarado rin ang mga sinehan. Lunes Santo pa lamang noon ay sadyang “may I close the door” na ang mga sinehan. Tapos na ang long holiday at wala nang gaanong extra anda ang mga tao para sa sinehan.

Malungkot din na may balitang nagbawas ng ilang sinehan kung saan ipinalalabas ang dalawang pelikula kalahok sa festival na ito – our lips are sealed. Huwag nang magtanong pa!

Isa kami sa mga nanood ng project na ito ng summertime MMFF at Love You Long Time ang napili namin. Totoo na may twists ang istorya, walang kaartehan at maganda pero medyo bitin.

Saksi kami sa kaunting manonood sa sinehan at partida tapos nang Holy Week nang manood kami. April 2020 pa sana ang festival na ito, pero parang nasayang pa rin sa tagal ng paghihintay at hindi gaanong dinumog gaya ng inaasahan. Kulang pa siguro sa promotions at suporta. Bawi na lamang ang lahat.

Hanggang Abril 18, 2023 ay patuloy na mapanonood sa mga sinehan ang walong pelikulang nabanggit. Suportahan natin ang pelikulang Pilipino at para makabangon ang ating movie industry. Iyan din naman ang wish ng Best Lead Actor na si Romnick.

“I am humbled by all the greetings and messages.
I once again, thank all of you 🙏🏼
And if you wish to celebrate with me, kindly say a prayer for all of the eight films in the festival, and the entire Philippine Film Industry. Salamat po 🙏🏼🥰,” tweet ni Romnick nitong gabi ng Abril 13.