
Asia’s City of Love ang isang katawagan sa Iloilo City na nasa timog-silangang baybayin ng Isla ng Panay sa rehiyon ng Kanlurang Visayas ng bansa.
Mula Agosto 25, nagdiriwang ang lungsod ng kanilang 89th Charter Day sa ilalim ng temang “89 Years of Progress Towards a Better Iloilo City For All.” Isang buwang selebrasyon nila ito ng matibay nilang pagkilala sa anibersaryo kung kailan opisyal na natanggap ng kanilang lungsod ang dokumento ng pagkakatatag mula sa pamahalaan.
Sa pagsampa sa ika-89 taon, ang Iloilo City ay higit na at higit pang umaasam ng progreso para sa mga Ilonggo kaya’t maraming programa ang nakalinya sa patnubay ng alkaldeng si Raisa Treñas mula sa serbisyong-medikal, tulong sa seniors, may mga kapansanan, pag-iingat sa historical sites tulad ng mga mansyon simbahan, at iba pa tungo sa Livable Iloilo City.
Romantikong lungsod, tatak Ilonggo
Para sa mga langga – lokal man o dayo ng Iloilo City – ang lugar na ito ay isa lamang sa natatangi sa Pinas.
Tinawag na City of Love (Siyudad sang Paghigugma sa wikang Hiligaynon) dahil sa natural na lambing sa pakikisalamuha ng mga lokal. Ang mga tono o punto nila ay sadyang masarap pakinggan. Nakabibighani rin ang kanilang mga lumang estrukturang arkitektural na dinarayo ng mga turista.
Para sa aming taga-Maynila, dagdag atraksyon din ang malinis nilang kapaligiran at bagama’t may paminsang bagal ng trapiko ay hindi naman ito tulad sa lugar naming wala nang pinipiling oras ang pagkakaroon ng makupad na galaw ng mga sasakyan.

Pagkaing namit!
Hindi maitatatwa na ang Ilonggo City ay mistulang malaking tahanan na samu’t sari ang pagkain ang inihahain na may iba’t ibang sarap.
La Paz Batchoy, Chicken Binakol, KBL (Kadyos, Baboy, Langka), Queen Siopao, Pancit Molo, Tsokolate de Batirol o Kape, Biscocho at Barquillos – ilan lamang ang mga ito sa pagpipiliang linamnam ng Iloilo City.
Ang mga pagkain dito ay nasa iba’t ibang kainan at karaniwang niluto sa tradisyonal na paraan gamit ang natural at lokal na mga sangkap na nagpapatingkad sa kultura ng lungsod – dahilan para mapabilang na isa sa Creative Cities of Gastronomy, pagkilala mula sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) noong October 31, 2023.
Katunayan, masarap na karangalan talaga na dahil sa Ilonggo City kabilang tayo sa 350 lungsod ng mahigit 100 bansang nakalista sa UNESCO Creative Cities Network. Ipagmamalaki mo talaga itong First UNESCO Creative City of Gastronomy sa Pilipinas!
Sa pagsadya din namin sa Calle Real, isang heritage site, nasaksihan namin fiesta sa saya na hatid ng kanilang Night Market na naging bukas mula 5 PM hanggang 12MN noong August 28-30. Buhos ang mga tao dahil maraming mabibili sa mahigit na 90 kiosks kabilang ang masasarap na pagkaing lokal.
(Para sa iba pang mga larawan, tingnan dito)
