Palasyo sa gov’t agencies: I-recite ang ‘Bagong Pilipinas’ hymn, pledge

Ipinag-uutos ng Palasyo ng Malacañan na dapat i-recite ng lahat ng ahensya ng gobyerno kabilang ang government-owned or -controlled corporations, state-owned firms, at state schools at universities ang Bagong Pilipinas hymn at pledge sa lingguhang nitong flag ceremony.

Ang pag-uutos ay upang maitanim ang prinsipyo at tatak ng administrasyon sa mga manggagawa ng gobyerno. Ito ay batay sa Memorandum Circular No. 52 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Hunyo 4 at ipinoste sa Official Gazette itong Linggo upang pormal na maisapubliko.

 

BAGONG PILIPINAS HYMN

Panahon na ng pagbabago

Panahon na ng pagbabago

Dahil sa ito ay kinakailangan

Tayo na magtulong-tulong
Na paularin ang mahal nating bayan

Panahon na ng pagbabago
Dahil sa ito ay kinakailangan
Tayo na magtulong-tulong
Na paularin ang mahal nating bayan

Panahon na ng pagbabago
At iayos ang mga dapat ayusin
Dapat lang maging tungkulin
Ng bawat mamamayan dito sa atin

Gawin ang pagbabago
Patungo sa pag-asenso
Magsikap na mabuti
At nang guminhawa tayo
Ipagmalaki natin sa mundo at ipamalas
Ang Bagong Pilipino at Bagong Pilipinas

Panahon na ng pagbabago
Tangkilikin natin ang sariling atin
At tama lang na ugaliin
Kaysa sa iba sa atin ang unahin

Panahon na ng pagbabago
At manguna sa kahit anong larangan
Ang tagumpay ay karangalan
Ialay o ihandog natin sa bayan

Ilang ulit nang napatunayan ng Pilipino
Ang husay at lakas, kagandahan, at talento
Handang makipag paligsahan kahit anong oras
Ang bagong Pilipino, ang Bagong Pilipinas

Panahon na ng pagbabago
Buhay natin ay gawing maaliwalas
Marami ang magandang bukas
Ang ibubunga ng Bagong Pilipinas

Gawin ang pagbabago
Patungo sa pag-asenso
Magsikap na mabuti
At nang guminhawa tayo
Ipagmalaki natin sa mundo at ipamalas
Ang bagong Pilipino at Bagong Pilipinas.

PANAHON NA!

 

BAGONG PILIPINAS PLEDGE

Panata sa Bagong Pilipinas

Bilang Pilipino, buong pagmamalaki kong

isasabuhay ang Bagong Pilipinas.

Buhay sa aking dugo ang lahing dakila,

magiting at may dangal

Palaging dadalhin sa puso, isip at diwa ang

aking pagmamahal sa kultura at bayang sinilangan;

Kaisa ng bawat mamamayan, aalay ko ang aking talino

at kasanayan sa pagpapaunlad ng aking Bayan;

Taglay ang galing na naaayon

sa mga pandaigdigang pamantayan;

Magiging instrumento ako sa pagsulong ng kagalingan,

karunungan, at kapayapaan.

Makikiisa at makikilahok ako sa mga adhikain

ng pamahalaan dahil ang kaunlaran ay

hindi lamang responsibilidad ng iilan.

Isusulong at pangangalagaan ko ang karangalan,

kalayaan, at interes ng aking bayang minamahal;

Bilang Pilipino na may pagmamahal, pakialam at malasakit;
hindi makasarili kundi para sa mas nakararami;
tatahakin ko ang landas tungo sa isang
Bagong Pilipinas!