Paniwala ng 83% Pinoy, pag-empleyo sa ‘di lisensyadong nars magpapataas ng marka sa board exam

Binibigyang-diin ng survey ang paraang nakatuon sa resulta sa propesyong pangangalaga – Dr. David

Isa sa mga kritikal na isyu ng bansa ay ang kakulangan ng lakas-tao sa sektor ng pangangalagang pangkalusugan, partikular sa kakulangan sa propesyonal na pangangalaga. Upang tugunan ito, ang Kagawaran ng Kalusugan ay bumuo ng planong punan ang mga bakante sa pampublikong ospital sa pagkuha ng malaking bilang ng mga hindi lisensiyadong nars. Ang inisyatiba ay tugon sa agarang pangangailangan na mapunan ang kabuuang 4,500 posisyon sa pangangalaga sa buong bansa.

Ang paksang ito ay tinalakay sa programa sa radyo na Pintig ng Bayan ng DZMM noong Agosto 23. Ang diskusyon ay nakasentro sa mga resulta ng pagsusuring isinagawa ng Capstone-Intel Corporation, na ipinaliwanag ng Chief Data Scientist na ito na si Dr. Guido David. Napag-alaman na 83 porsyento ng mga respondente ay naniniwalaang ang mga hindi lisensiyadong nars ay maaaring i-empleyo na may gabay at superbisyon ng mga lisensyadong nars.

“‘Yung need natin sa nurses, hindi natin nafi-fill itong kakulangan natin. Hindi natin napupuno iyan dahil maraming graduates natin ay nagsisialisan especially ‘yung board passers. Kasi sila rin ang nakakapasa ng licensure (exams) sa ibang bansa,” ani Dr. David.

Sa panayam, tinanong si Dr. David sa naging resulta ng pagsusuring isinagawa mula Agosto 1, 2023 hanggang Agosto 10, 2023. Higit pa itong natanong sa kakayahan ng publiko na masuri kung ang mga hindi rehistradong nars ay makapagbibigay ng mga de-kalidad na serbisyo, pangunahin kung ang publiko ay walang kamalayan sa kurikulum ng nursing student.

“Opinion naman nito ng mga kababayan natin. Gusto ko rin i-clarify na hindi naman nila sinasabi na itong nurses ay puwedeng magtrabaho na as nurses, kasi may follow up question na, ‘In your opinion should nursing graduates be given an opportunity to work in healthcare settings under supervisions of a licensed nurse,” paliwanag ni Dr. David.

Maaaring ikonsidera ng mga mambabatas ang pagsusuring ito upang tugunan ang lumalaking isyung kinahaharap ng bansa, tulad ng ipinaliwanag ni Dr. David.

“So klaro ito. Ang context nito ay puwede silang magtrabaho sa hospitals or healthcare service, pero under the supervision ng isang licensed or registered nurse. Sa ibang bansa, ginagawa rin ito, in fairness. May nursing aids at nursing assistants na hindi pa board passers na nakapagtrabaho sa hospitals,” dagdag pa niya.

Gayundin, mahalaga ang pag-aaral dahil binibigyang-diin nito ang paraang nakatuon sa resulta sa propesyong pangangalaga.

Sa inisyal na pahayag, iprinesenta ni Dr. David ang argumentong ang pag-empleyo ng mga nars sa pasilidad ng pangangalagang pangkalusugan ay maaaring maging positibong ambag sa tsansang makapasa sa board examination. Maaari rin itong magpabuti sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa.

“Working in a healthcare setting would help improve their chances of passing the board exam,” ani Dr. David.