6 patay sa magnitude 7 na lindol sa Abra

Larawan mula sa Facebook page ng Abra Province

Anim na ang naitalang patay sa 7.8 magnitude na lindol na yumanig sa Abra noong Hulyo 27 at mga kalapit na lugar nito sa Hilagang Luzon.

Ang epicenter ng lindol ay naitala sa Tayum, Abra. Nagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng 828 aftershocks na may lakas mula 1.5 hanggang 5.4 magnitude ng alas-11:00 ng tanghali noong Huwebes.

Sa impormasyon ng pamahalaan, patuloy ang paghahanap, pagsagip at retrieval operations sa mga apektadong lugar. Patuloy din sa pamimigay ng relief goods sa libong apektadong mga tao dahil sa lindol.

Nakumpirma kay National Disaster Risk Reduction and Management Council spokesperson Mark Timbal na lima ang namatay mula lahat sa Cordillera Administrative Region (CAR) kung saan karamihan sa mga ito ay nahulugan ng debris.

Mga namatay sa lindol:

  1. Aron Cul-iteng, 25, ng La Trinidad, Benguet
  2. Resty Tabas, 31, ng Tuba, Benguet
  3. Jonalyn Sigganay, 23, ng Bagued, Abra
  4. Jefferson Basar, 24, ng Balbalan, Kalinga
  5. Andres Sagayo, 59, ng Balbalan, Kalinga

May naiulat pang namatay sa Ilocos Sur ng Region 1 ngunit patuloy pang inaalam ang detalye hinggil dito.

Samantala, 116 ang naitalang nasaktan sa trahedya habang apat ang nawawala sa CAR.

ABRA INILAGAY NA SA STATE OF CALAMITY

Dahil sa malawakang pinsala dala ng lindol, inanunsyo ni Abra Governor Dominic Valera na ang buong lalawigan ng Abra ay nasa ilalim ng state of calamity.

Bunsod nito, agad na kumikilos ang pamahalaang lokal upang matugunan ang pangangailangan ng lalawigan at ng mga tao rito.

Humihingi rin ng tulong ang lalawigan mula sa pamahalaang nasyonal at iba pang concerned agencies para sa daglian at tamang pagresponde sa trahedya.

Kaugnay pa rin nito, upang masuri ang sitwasyon ay tumulak patungong Abra noong Huwebes ng umaga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama sina Special Assistant to the President Secretary Antonio Lagdameo Jr., Secretary Benjamin Abalos Jr. ng Department of the Interior and Local Government, Defense OIC Undersecretary Jose Faustino at Department of Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo.