5K dadalo sa ‘Lakad Magkaibigan’ kaugnay ng Araw ng Kalayaan

Si Dr. Cecilio Pedro, President ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. habang tinatalakay ang gaganaping “Lakad Magkaibigan” na isang civic walk kaugnay sa pagdiriwang ng ika-126 na Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas. (Kuha ni George Buid)

Magsasagawa ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) ng “Lakad Magkaibigan”, isang Independence civic walk na gaganapin sa Hunyo 9, mula ala-singko ng umaga.

Ito ay inaasahang dadaluhan ng 5,000 katao mula sa mga civic at business organization,  paaralan, barangay, at iba pa sa pagdiriwang ng ika-126 na Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas.

Magsisimula ang paglalakad sa Binondo Intramuros Bridge sa Binondo, Maynila. Magkakaroon din ng flag raising ceremony, pag-aalay ng mga bulaklak at itutuloy ang okasyon sa Bonifacio at Katipunan Revolution Shrine sa harap ng Padre Burgos Avenue, sa lungsod.

Ang civic walk ay sabayang magaganap din sa Bacolod City, Cebu, Tacloban, at Palawan. Inaasahan din na isa o dalawang lungsod pa ang makikiisa mula sa timog at norteng bahagi ng bansa.

“We remember our heroes, including those of Chinese ancestry, such as our national hero. Dr. Jose Rizal, and other ethnic Chinese individuals who fought the colonizers. Our heroes’ nationalism reminds us of what makes the Philippines a great country. Without freedom, we wouldn’t achieve the progress we have today,” ani FFCCCII President Dr. Cecilio Pedro.

Ang pormal na pag-aanunsyo ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) para sa ilulunsad nilang Lakad Magkaibigan sa Hunyo 9 na isang civic walk kaugnay sa pagdiriwang ng ika-126 na Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas. Dumalo sa press conference na ito nitong Hunyo 5 ang mga opisyal nito na sina (mula sa kaliwa) Jayson Sze, Co-Chairman ng Youth Committee; Peter Mangasing, Board Member at Chairman ng Youth Committee; Reynold Siy, Vice-President; Dr. Cecilio Pedro, President; Jeffrey Ng, Vice-President; at Wilson Lee Flores, Board Member and Public Information and Media Committee Chairman. (Kuha ni Ann Esternon)

Ang petsa ng okasyon ay isasabay din sa Filipino-Chinese Friendship Day. Noong Hunyo 9, 1975 naging opisyal ang relasyon ng bansa at China na nilagdaan noon sa pagitan nina dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. at Chinese Prime Minister Zhou Enlai.

“Kami po ay tumutulong sa bayan natin at gusto naming umunlad ang bayan. Kami po ay mga kaibigan. Marami pong mga issues ngayon with China pero ang mga Filipino-Chinese ay purong-puro para sa Pilipinas. That’s our main intention, to let you know that you have a friend among the Filipino-Chinese,” ani pa ni Dr. Cecilio Pedro sa layunin ng civic walk.

Mula Aparri hanggang Tawi-Tawi, ang FFCCCII ay ang pangunahing umbrella organization ng 170 Filipino-Chinese chambers of commerce at iba pang iba’t ibang asosasyon ng negosyo. Bilang karagdagan sa pagtataguyod ng adbokasiya sa negosyo at pag-unlad ng ekonomiya ng bansa, ang FFCCCII ay kabilang at nakatuon sa ilang mga philanthropic, socio-civic, at cultural initiatives.