541 kaso ng hand, foot and mouth disease naitala sa Albay

Ang pagkakaroon ng hand, foot and mouth disease.

Umakyat na sa 541 kaso ng hand, foot and mouth disease (HFMD) ang naitala sa Albay.

Ang kasong naitala ay nagsimula noong Nobyembre 15 hanggang Nobyembre 25, 2022 kung saan karamihan sa mga pasyente ay edad 1 hanggang 10 taong gulang batay sa kumpirmasyon ni Dr. Nathaniel Rempillo, Provincial Health Officer (PHO) ng Albay sa panayam ng DZMM.

Ang sakit ay naitala sa iba’t ibang lugar kabilang ang Oas, Legazpi at Guinobatan. Nagtala rin ang Tabaco City, Daraga, Camalig, Tiwi, Rapurapu, Manito, Malilipot, Polangui at Sto. Domingo.

Ang mga pasyente ay nakaranas ng lagnat at rashes na pawang mga sintomas ng HFMD ngunit walang kumplikasyon ang mga ito.

Bunsod nito, ang sanitary services unit ng PHO ay nagsagawa ng pagdi-disinfect sa kanilang bayan sa pakikipagtulungan din sa Department of Education dahil mga mag-aaral ang karamihang pasyente ng naturang sakit.

Pinapayuhan din na i-isolate ang pasyente kapag nakitaan ng sintomas lalo na ang mga nasa paaralan.

Ayon pa kay Dr. Rempillo na mainam din na magsimula nang mag-disinfect dito sa Maynila at maging maingat sa kalusugan dahil malaking laban din ito sa COVID-19.

Pinapayuhan din ang publiko na laging maging malinis sa pangangatawan, maghugas nang mabuti ng mga kamay at kumain nang masusustansyang pagkain.