52% ng socmed users positibo ang sentimyento sa confidential, intel funds ng DepEd

Patuloy na laman ng mga balita ang Department of Education (DepEd) dahil sa paghiling nito ng P150 milyon na confidential at intelligence funds, na ginawa ng Kalihim nitong si Bise Presidente Sara Duterte.

Kaugnay nito, ang Capstone-Intel Corporation ay nagsagawa ng pagsusuri ng damdamin ng publiko hinggil sa DepEd mula Hunyo 30, 2023 hanggang Hulyo 31, 2023, ineksamin ang mga online na pakikipag-ugnayan sa pagpopondo para sa intelligence at confidentiality, at pagtukoy sa mga social media platform na responsable para sa mga positibo at negatibong reaksyon.

Napag-alaman sa pag-aaral na pinakamaraming binanggit ng mga ahensya ng pagbabalita ang confidential funds ng DepEd, na umaabot sa kabuuang 27.7% na pagbanggit, sinundan ng X na may 24.0%, Facebook na may 22.3%, at ang Web na may 10.1%.

Base sa resulta ng datos ng pagsusuri ng sentimyento, tinukoy na 52.2% ng mga gumagamit ng social media ang naglabas ng positibong pananaw sa isyu. Sa kabaligtaran, ang datos ay naglabas na 47.2% ang nagbigay ng negatibong sentimyento hinggil sa iminungkahing confidential at intelligence funds ng DepEd.

“For the discerning individuals, the matter of confidential and intelligence funds is a subject of interest. It is noteworthy that throughout Philippine history, the Department of Education (DepEd) has never been granted a budget for such funds until the appointment of Vice President Sarah Duterte as the Secretary of the said department,” ani Ella Kristina Domingo-Coronel, Research at Publications Director ng Capstone-Intel.

“The use of such funds can have a significant impact on the education system of a country. If used correctly and transparently, the funds can be used to improve educational infrastructure, provide teachers with better training and resources, and offer students access to educational technology and equipment. Through these our country can invest in the development of its human capital and create a better future for the generations to come,” paliwanag pa ni Domingo-Coronel.

Nakadetalye rin sa datos na ang TikTok platform ay ang pangunahing mayroong pinakamataas na porsyento (68.8%) ng positibong mga pagbanggit kaugnay sa confidential at intelligence funds ng DepEd. Kasunod na ang Facebook kung saan ang pages tulad ng mga ahensya ng pagbabalita na Sunstar Davao at Rappler ay may 8% positibong mga pagbanggit. Ang X ay nakapagtala ng 3.4% na positibong mga pagbanggit. Ang 19.7% na positibong mga pagbanggit ay mula sa hindi nakakategoryang platforms.