5 putaheng Pinoy na lamanloob nasa hapag ng Taste Atlas

Inihaw na isaw ng manok.

Napabilang muli ang mga pagkaing Pinoy sa international food database na Taste Atlas. Sa pagkakataong ito, lima sa kilalang pagkain natin ang nakapasok bilang “50 Best Offal Dishes in the World.”

Ang mga putaheng ito ay ang Isaw, Proben, Dinuguan, Bopis, at Papaitan – na dahil may kakaibang lasa at hahaluan pa ng ibang sangkap sa pagluluto ay talaga naman walang makatatanggi.

Ang listahan ng “Best Offal Dishes in the World” ng international food database na Taste Atlas sa kanilang Instagram account.

Ang Isaw ay isang popular at hindi nawawala sa hanay ng street food at barbecue items. Matapos malaga at sa masining pagtuhog ng bituka ng manok o baboy sa barbecue stick ay nakaaakit na itong kainin. Pero ang panlaban talaga ng pagkaing ito ay ang mabusising paghahanda sa pagluluto na isa-isang nililinis sa paglalaga. Titimplahan ng ketsup, paminta, toyo, bawang, sibuyas bago iihawin. Sa sarap, nasa ika-16 na puwesto ito sa Taste Atlas.

Ang Proben, ay isang meryenda at street food ng mga Pilipino. Niluluto ito gamit ang hindi pangkaraniwang organ ng manok na tinatawag na proventriculus, na katulad ng chicken gizzard o balumbalunan. Sa listahan ng Taste Atlas, ito ay nasa ika-22 na puwesto.

Sa pagluluto nito, ang maliliit na piraso ng proben ay pinapahiran ng harina o gawgaw at pagkatapos ay pinirito hanggang sa maging golden brown at malutong. Ang mga ito ay maaaring ihain nang paisa-isa sa mga plastic bag o tuhog sa bamboo sticks bago iprito.

Ang Dinuguan, na ika-29 sa listahan, ay pagkaing tunay na bahagi ng kulturang Pinoy. Mayroon sari-saring panloob na organ ng hayop na nilaga sa suka, bawang, mainit na paminta, at dugo ng baboy o baka, o manok. Ang masarap na ulam na ito ay kadalasang sinasamahan ng kanin o puto at maaaring bilang ulam o meryenda.

Sa ika-36 na puwesto, ang Bopis ay isang klasikong putaheng Pinoy ng mga nilagang organ ng hayop tulad ng puso ng baka o baboy at mga baga, na sinamahan ng bawang, sibuyas, iba’t ibang gulay gaya ng labanos, at mga pampalasa. Ginagawa itong ulam o pulutan dahil sa malasang sarap nito. Sa rehiyon ng Bicol, ang ulam ay kilala bilang kandingga.

Ika-50 puwesto naman ang Papaitan na kilalang masabaw at puno ng lasang pagkain. Niluluto ito sa pamamagitan ng pagpapakulo ng laman-loob ng kambing o baka, tulad ng puso, “tuwalya”, o atay, kasama ng bawang, sibuyas, at iba’t ibang pampalasa. Kasama sa pagluluto ang pagdaragdag ng apdo, isang mapait na likido na nakuha mula sa mga atay ng hayop, na nagbibigay sa sabaw ng kakaibang mapait na lasa at mapusyaw na dilaw na kulay. Ang sikat na Ilokano na delicacy na ito ay karaniwang inihahain nang mainit at pinalamutian ng hiniwang berdeng sibuyas at sili.

Ang Taste Atlas ay kilalang platform ng mga pagkain sa buong mundo na nakatuon sa pagsulong, pagbebenta ng mga lokal na pagkain, tradisyonal na sangkap, na may directory ng mga tunay na restaurant.