Ang pagtungtong sa mahigit isang siglo ng operasyon ay imahe ng katatagan ng isang kompanya. Katatagan din ang makasabay sa mga pagbabago sa ekonomiya at kompetisyon habang patuloy na bumubuo ng tiwala sa mga stakeholder, na naglalagay ng pundasyon para sa paglago sa hinaharap.
Ang Destileria Limtuaco & Co., Inc. ay kumakatawan sa pamanang ito bilang pinakamatagal ngunit patuloy sa operasyon ng distillery sa Pilipinas. Ang kuwento ng kanilang tagumpay ay nakabuod sa Destileria Limtuaco Museum sa Intramuros, Maynila.
Medicinal wine: Simulain ng kompanya
Itinatag ang Destileria Limtuaco sa Pilipinas noong 1852 ng isang imigranteng Tsino at negosyante na si Lim Tua Co. Mula sa Amoy, China ay binitbit niya ang kanilang secret five-generation formula para sa medicinal wine at nagpatayo ng destilerya sa Binondo.
Dahil din sa alak, higit na nakilala si Lim Tua Co sa Filipino Chinese commercial community. Upang lubos pang makasalamuha sa lipunang Pilipino at ganap na makapagnegosyo sa bansa, ginawa niyang Kristiyano ang kanyang pangalan at naging Don Bonifacio Limtuaco.
Paghubog sa museo
Nagsimula sa intensyong mapreserba ang kasaysayan ng kanilang kompanya, binili ni Julius Limpe ang dalawang-palapag na bahay na bato sa Intramuros noong 1979 para maging museo na eksklusibo sa kanilang pamilya at mga bisita.
Si Limpe ay nasa ikaapat na henerasyon ng kanilang angkan nang pamahalaan ang kompanya noong 1958 at kinilalang “master blender of whiskies.”
Nasa ikalimang henerasyon na ngayon ang itinatakbo ng Destileria Limtuaco at nasa pamamahala na ngayon ng kanyang anak na si Olivia Limpe-Aw.
Intramuros: Napiling lokasyon ng museo
Napiling lokasyon ng museo ang Intramuros dahil noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang ama ni Julius na si James Limpe ay isa sa halos 150 nakulong sa Fort Santiago na lumaban at hindi nagpasakop sa mapang-abusong mga Hapon.
Sa lahat ng mga distillery na gustong maangkin ng mga Hapon, tanging si James lamang ang tumanggi rito kaya siya ay ipinaaresto. Makikita ang pangalan niya sa marker ng “Honor Roll” o Wall of Martyrs sa naturang kulungan sampu ng iba pang community leaders.
Si James ay ang ikatlong henerasyon ng Destileria Limtuaco. Siya at ang kanyang anak ang nag-introduce ng whisky sa Pilipinas. Ipinakilala ni James ang Three Feather Whiskey at pinasikat ang sariling obrang Four Feather Whiskey habang ang White Castle Whiskey ay mula sa kanyang anak.
Mula sa pagiging pribado, binuksan ni Limpe-Aw sa publiko ang Destileria Limtuaco Museum noong February 6, 2018 sa layuning ibahagi sa iba ang kanilang narating na bahagi na ng kasaysayan ng Pilipinas. Kilalang atraksyon ang museo at sertipikado ng Department of Tourism.
Yaman ng museo
Mula sa tarangkahan, tatambad sa inyo ang dadapilan. Ito ang sinaunang sugar machine na karaniwang nasa bakuran ng mga magsasaka noon. May dalawang malalaking rotating cylindrical wooden presser ito na yari sa puno ng sagat (molave). Sa pagitan nito inilalagay ang mga tubo. Katuwang ang kalabaw, habang ipinapasok ang mga tubo sa presser ay makakatasan na ito para makalikha ng alak, molases, suka, at iba pa.

Sa unang palapag din ng museo makikita ang replika ng mga makinang ginagamit ng Destileria Limtuaco, mga produkto, mga sinaunang bote ng alak buhat pa noong panahon ng mga Espanyol.
Ang kompanya ay gumagamit ng mga barrel na inangkat pa mula sa ibang bansa na karaniwang ex-bourbon barrel (oak). Ito ay nakatutulong para magdagdag ng kulay at lasa sa alak.
Nasa museo rin na ito ang inimbento ni Limpe-Aw na square barrel na 1×1 cubic meter cask na yari pa rin ang loob sa imported American oak barrel. Ito ay mas epektibong nagpapasarap ng alak na may 3 ½ year aging process at tanging sa Pilipinas pa lamang matatagpuan. Espesyal ang barrel dahil naiiwasan nito na mag-evaporate ang alak. Ang produktong nagmumula rito ay ang kanilang Julius James premium whisky na nasa halagang P3,000. Hango ang pangalan ng whiskey sa mag-amang sina James at Julius Limpe.
Ang presyo ng alak ay nakadepende sa kalidad ng barrel na pinaglagyan nito. Mas magandang kalidad, mas masarap ang produkto.

Sioktong: Alak ng tagumpay
Ang unang produktong nagdala sa tagumpay sa Destileria Limtuaco ay ang Sioktong na kilalang medicinal wine at bahagi ng kanilang portfolio sa loob ng mahigit isang siglo. Ito ay gawa mula sa 14 Chinese herbs at hinango sa orihinal na “Siok Hoc Tong,” na ang ibig sabihin ay ‘Good fortune will come to the family.’ Pumatok ito sa mga Pinoy na nagdala sa simula ng tagumpay ng kompanya.
Sa kasalukuyan, ang Sioktong ay mabibili pa rin sa merkado sa brand names na Vino Kung Fu at Vino de Chino sa halagang P90. Ang Vino Kung Fu ay ginawa bilang pampalakas habang ang Vino de Chino ay puwede rin sa babaeng nasa unang araw ng kanilang menstrual cycle upang makabawas ng pananakit.
Ang branding ng Vino de Chino ay “doble braso,” na naglalarawan ng isang lalaking nakataas ang mga braso na simbolo ng lakas at katatagan habang ang Vino Kung Fu ay imahe ng isang martial artist dahil si Don Bonifacio ay isang martial arts expert.
Sa panahon ng mga Espanyol, maliban sa Sioktong ay nakagawa rin ang kompanya ng sarili nitong gin at rum. Sa kanila rin ang Ginebra Kelly at Duncan’s Gin&Whiskey.
Sa paglipas ng panahon ipinagmamalaki rin ng kompanya ang kanilang corn Whiskey na kauna-unahan sa bansa – ang Julius James Whiskey na sinimulan noong unang bahagi ng 2000. Mula ito sa yellow corn na angkat pa sa Isabela.

Kalendaryong nagpasikat pa sa produktong Destileria Limtuaco
Kilala ang Destileria Limtuaco sa mga kalendaryong nagtatampok sa kanilang mga produkto. Mula sa mga payak na larawan noong 1969 ay nagtampok na ito ng mga celebrity na halos lahat ay mga babae hanggang sa kasalukuyan – na ang iba ay lumabas din sa television commercials.

Ilan sa mga bumida sa kanilang kalendaryo ay sina Sylvia Lichauco, Evangeline Pascual (Miss World 1973 first runner-up), Carmen Ronda, Agnes Rustia, Peachy Veneracion, Lotis Key, Tetchie Agbayani, Lorna Tolentino, Alma Moreno, Maria Isabel Lopez, Lyka Ugarte, Cristina Gonzales, Glydel Mercado, Carmi Martin, Angela Velez, Aubrey Miles, Roxanne Guinoo, Ria Atayde, Ashley Rivera, Angelie “Pench” Andanar, Meg Imperial, Stef Prescott, Sassa Gurl, Panfilo Lacson, Ryan “Ninong Ry” Morales Reyes, at iba pa.

Personal na yaman
Sa ikalawang palapag, makikita ang iba’t ibang kagamitan ng pamilya Limtuaco kabilang ang reading materials mula kung saan tampok ang Destileria Limtuaco.
Sa gamit ni Don Lim Chay Seng, na ikalawang henerasyon sa kanilang pamilya, ay rocking chair na lamang ang naisalba matapos ang Ikawalang Digmaang Pandaigdig.
Samantala, karamihan ng mga gamit na narito ay kay James Limpe at sa kanyang asawa. Mga pag-aari rin ng kanyang anak na si Julius ang makikita kabilang ang actual drawing ng White Castle Whiskey matapos niyang mapanaginipan ito bago tuluyang namayagpag ang produkto.

Sa kuwento ng pamilya, si James ang higit na nagpaangat sa kanilang kompanya na may mahigit na ngayong 40 products (local blends at foreign labels) mula sa medicinal wine, gin, rum, vodka, brandy, whiskey, at iba pa. Ilan sa kilala sa mga ito ay ang White Castle Whisky, Napoleon VSOP, Maria Clara Sangria, at Vigan Basi.
Patuloy pa itong pinalalago ni Limpe-Aw sa kanyang obra at award-winning na “Philippine Craft Spirits” line tulad ng mga alak na may halong local ingredients na mangga, kalamansi, kape, cacao, dalandan, at iba pa. Dito sila kinikilala ngayong top exporter of distilled spirits.
‘Give it a shot!’
Bilang finale ng museum tour, pumreno muna sa tasting bar at tumikim ng ilan sa best products ng Destileria Limtuaco – sarap na hindi ninyo tatanggihan!
Museum Tickets
Student: P50 – Museum tour only
Regular: ₱100 – Museum tour only
Premium: ₱200 – Museum tour na may kasamang signature craft liquor tasting
Destileria Limtuaco Museum
482 San Juan de Letran Street, Intramuros, Manila
Tuesday to Sunday from 9AM to 5PM
*Sundan ang iba pang mga larawan dito: Destileria Limtuaco Museum

