49th MMFF magpapatuloy sa mga sinehan hanggang Enero 14

Inanunsyo itong Linggo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pinalawig nito ang theatrical run ng ika-49 Metro Manila Film Festival (MMFF) para sa 10 movie entries nito hanggang Enero 14.

Ngayong araw, Enero 7, sana ang pagtatapos ng pagpapalabas ng mga pelikula sa mga sinehan ngunit dahil sa kahilingan ng publiko sa nasabing ahensya ay magpapatuloy ang pagbibigay entertainment nito sa moviegoers.

“We at the MMFF would like to express our deepest gratitude to all who have supported us and watched the movie entries, particularly those who requested for the MMFF movies to extend beyond its original run,” pahayag ni MMDA Acting Chairman and MMFF Overall Concurrent Chairman Atty. Don Artes.

“Marami pong salamat sa inyong patuloy na pagtangkilik. Moviegoers, may mga karagdagang araw pa para panoorin lahat ng MMFF entries,” patuloy pa ng chairman.

Kaugnay pa nito, patuloy pa ring kikilalanin ang MMFF complimentary passes hanggang sa Enero 14.

Ipinagmamalaki rin ng MMDA na ang 49th MMFF ay kumita na ng P1 bilyon hanggang sa kasalukuyan, higit pa sa performance ng 2022 festival na kumita ng P500 milyon.