Unang disc golf course sa Metro Manila pinasinayaan

Sa pagtutulungan ng Nayong Pilipino Foundation (NPF) at Disc Golf Association of the Philippines (DGAP), opisyal na binuksan ang Nayong Pilipino Disc Golf Course na may inaugural tournament nitong Abril 29 sa Seaside Drive, Entertainment City sa Parañaque.

Sa simula pa lamang ay naging masaya na ang okasyon partikular sa ceremonial throwing ng discs ng mga opisyal ng nag-organisa sa aktibidad — ang kauna-unahang disc golf course sa Metro Manila.

“Tourism is driven by the demands and aspirations of tourists in the sector. Different travelers have different needs, and anyone who tries to fulfill this need is going to win their attention. There has been a lot of segmentation for that purpose, which has contributed to the creation of a portion known as “Sports Tourism”, ani NPF Executive Director Gertie Duran-Batocabe.

Sa pagsisimula ng event, pinangunahan ito nina (mula sa kaliwa) Hotel 101 General Manage Gel Gomez, NPF Executive Director Gertie Duran-Batocabe, DGAP Director Luisa Bartolome, Disc Golf Hall of Fame Derek Robins, Department of Tourism National Capital Region Sharlene Zabala-Batin, at National Parks Development Committee Deputy Executive Director Jezreel Apelar.

Ano ang disc golf?

Bago sa mga Pilipino pero ang disc golf na kilala ring Frisbee golf ay magandang social sport.

Ang disc golf ay inimbento ni Ed Headrick, isang toy inventor at kilalang father ng modern-day Frisbee at ng sport and game ng disc golf.

Tinuturuan ni DGAP Director Luisa Bartolome (kaliwa, naka blue cap) ang isang player kung paano ang tamang simula sa paglaro ng disc golf. Ito ay bahagi inaugural tournament ng Nayong Pilipino Disc Golf Course sa Seaside Drive, Entertainment City sa Parañaque nitong Abril 29. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Ang nasabing sport ay unang nagkaroon ng pormal na laro noong 1927 sa Canada.

Karaniwan na rin ito sa Amerika at sa tala noong 2017 mayroon na silang mahigit sa 7,500-disc golf course.

Ang disc golf ay tulad din sa tradisyunal na golf ngunit walang paggamit dito ng golf club at bola para sa isang butas. Sa larong disc golf, gumagamit dito ng mga disc at tina-target ang isang disc golf basket na isang poste na umaabot mula sa lupa na may mga kadena at isang basket kung saan nakararating ang disc.

Ang layunin ng laro ay upang kumpletuhin ang bawat butas sa pinakakaunting bilang ng mga paghagis, simula sa isang tee area at tinatapos na ang disc ay makarating sa basket. Sa pangkalahatan, ang isang course ay binubuo ng 9 o 18 na butas. Magsisimula ang mga manlalaro sa unang butas at kukumpletuhin ang course sa pagkakasunod-sunod, naglalaro hanggang sa huling butas. Ang manlalaro na may pinakamababa o kaunting kabuuang pinagsama-samang mga paghagis ay panalo. Sa disc golf course ay maaaring gumamit ng iba’t ibang uri ng lupain gaya ng nasabing park ng NPF na mapuno, may shrubs at terrain.

Sa paglalaro nito ay dapat may tamang foot placement bago ang paghagis ng disc kaya nangangailangan ito ng ilang pagsasanay.

Ang disc golf ay isa sa pinakamahusay na panghabambuhay na fitness sports. Ito ay madaling matutunan, isang healthy na aktibidad, at naa-access ng mga tao sa lahat ng edad at fitness levels.