Menstrual leave isinusulong

May panukalang batas para sa ikabubuti ng mga manggagawang kababaihan, maliban sa mga buntis at menopausal, sa buong bansa.

Ang House Bill 7758 o Menstrual Leave Act na inihain ni Gabriela Representative Arlene Brosas noong Marso 22 ay tumutukoy na bigyan ang mga manggagawa sa publiko at pribadong sektor ng paid menstrual leave na hindi lalampas ng dalawang araw kada buwan at may 100% na kabayaran sa kanilang arawang suweldo.

Malinaw din dito na hindi nito sinasaklaw ang mga employer na nagbibigay na ng mga menstrual leave o katumbas nito, at hindi rin ito pinagsama-sama o mapapalitan sa cash.

Gayundin, nakasaad sa panukala na may multa na hindi hihigit sa P100,000 o isang termino ng pagkakakulong na hindi bababa sa 30 araw o higit sa 6 na buwan na maaaring ipataw sa sinumang tao, trust, firm, partnership, association, o entity na mapatutunayang lalabag sa kautusan.

Bahagi ng paliwanag ng House Bill 7758 na inihain ni Rep. Arlene Brosas.

Ang ganitong uri ng konsepto ng pagkilala sa mga kababaihan ay umiiral na sa mga bansang Japan, South Korea, Taiwan, Indonesia, Zambia, isang probinsya sa China at ang pinakabago ay sa Spain.

Ayon sa datos ng Philippine Statistical Authority noong Disyembre 2022, ang mga kababaihan sa bansa ay may labor force na binubuo ng 56% habang ang employment rate sa mga kababaihan ay 95.1%.

House Bill 7758 katulad ng House Bill 6728

Ang nabanggit na panukalang batas ni Rep. Brosas ay katulad din ng inihain noon ni Cotabato 3rd district Rep. Ma. Alana Samantha Taliño-Santos.

Noong Enero, inihain ni Rep. Taliño-Santos ang House Bill No.6728 o “Isang Batas na nagbibigay ng menstruation leave na dalawang (2) araw bawat buwan na may limampung (50) porsiyentong arawang suweldo sa lahat ng babaeng empleyado sa pribado at pampublikong sektor.”

Sa panukala ay malinaw na sinasabi na ang mga manggagawang kababaihan ay tuloy pa ring makatatanggap ng hindi bababa sa kalahati ng kanilang pang-araw-araw na suweldo habang naka-leave.

Bahagi ng paliwanag ng House Bill No.6728 na inihain ni Rep. Samantha Taliño-Santos.

Dagdag pa rito, ang mga mga empleyadong kumukuha ng menstrual leave ay hindi maaaring sisantehin, ibaba sa puwesto o isailalim sa diskriminasyon.

Sa House Bill No.6728, may nakaabang din na parusa sa employers na lalabag.

Ang mga susuway na employer ay haharap sa kaukulang parusa. Maaari silang magmulta ng hindi lalampas sa P50,000 at o may kulong na hindi bababa sa 30 araw o higit sa anim na buwan.