4 sanggol patay sa pertussis sa QC; outbreak idineklara

Nagdeklara ng pertussis outbreak ang lokal na pamahalaan ng Quezon City (QC) matapos magtala ang lungsod ng 23 kaso nito at apat na pagkamatay mula Enero hanggang Marso 20.

Sa deklarasyon na isinagawa nitong Huwebes, sinabing ang pangunahin sa mga naging biktima ng pertussis ay ang mga sanggol na may edad 22-60 araw.

Ang pertussis ay kilala sa Tagalog na “tuspirina” o “ubong-dalahit.” Ito ay kilala rin bilang whooping cough, ay isang nakahahawang sakit sa paghinga na dulot ng bacterium na Bordetella pertussis.

Gayunman, hiniling ni Belmonte na huwag mag-panic ang publiko dahil nakatutok din ang pamahalaan para rito.

“There’s no need to panic. We are making this announcement to make everyone more prepared and remain vigilant. We are on top of the situation, and we will do whatever it takes to curb the spread of this disease,” ani Mayor Maria Josefina “Joy” Belmonte nitong Huwebes sa isinagawang press conference.

Hinimok ng Department of Health (DoH) ang publiko na magpabakuna laban sa pertussis dahil sa pagtaas ng 1,869.57 porsiyento ng mga kaso sa unang 10 linggo ng 2024.

Nito ring Huwebes, sinabi ni DoH Spokesman Eric Tayag sa Super Radyo DzBB na umaasa ang kanilang kagawaran na gagawin ng publiko ang parehong pag-iingat na ginawa ng mga ito upang maiwasan ang pagkakaroon ng COVID.

Kaugnay pa ng ulat, ang DoH sa QC ay mangangasiwa ng prophylaxis at gagamutin ang mga pasyente, habang isasagawa ang mas mataas na surveillance at target na pagsusuri.