Gong, Banga ng Kalinga ginawaran ng Guinness World Records

Ilan lamang ang grupong ito na kabahagi ng 'Largest Gong Ensemble' ng Kalinga para sa kanilang Awong Chi Gangsa, Agtu’n Chi Banga Festival. (Tabuk City Public Information Office Facebook Page)

Para sa ilan, ang lalawigan ng Kalinga ay tila bukirin lamang na may payak na pamumuhay. Pero higit pa roon ang ipinagmamalaki ng kanilang lugar partikular sa pagkilalang kanilang tinamasa noong gabi ng Pebrero 15, 2023.

Napagtagumpayan ng Kalinga ang pagkilalang ‘Largest Gong Ensemble’ at ‘Largest Banga Dance’ sa aktibidad na tinawag na “Awong Chi Gangsa, Agtu’n Chi Banga” (A Call of a Thousand Gongs, Dance of a Thousand Pots) noong Pebrero 15.

Kabilang pa ang grupong ito sa libong partisipante ng ‘Largest Gong Ensemble’ ng Kalinga para sa kanilang Awong Chi Gangsa, Agtu’n Chi Banga Festival. (Tabuk City Public Information Office Facebook Page)

Dito, umabot sa 3,440 kalalakihan ang nagpatunog ng mga hawak nilang gongs habang 4,681 kababaihan ang umindak habang nasa ulo nila ang kani-kanilang banga.

Inabot ang parangal sa pangunguna ni Guinness World Records Official Adjudicator Kazuyoshi Kirimura.

Ang mga kababaihan ng Kalinga para sa ‘Largest Banga Dance’ na bahagi ng kanilang Awong Chi Gangsa, Agtu’n Chi Banga Festival. (Province of Kalinga Facebook Page)

Ang naturang aktibidad ay bahagi ng 28th Kalinga Founding Anniversary at 4th Bodong (Peace Pact) Festival na sinimulan noong Pebrero 6 hanggang 17.

“The province would like to extend its gratitude to all the participants who endure the long hours and rain for this historic achievement. You made this possible, thank you very much!” ayon sa pamahalaan ng lalawigan ng Kalinga.

Ang mga kababaihan ng Kalinga para sa ‘Largest Banga Dance’ na bahagi ng kanilang Awong Chi Gangsa, Agtu’n Chi Banga Festival. (Province of Kalinga Facebook Page)

Noong 2018, tinangkang masungkit ng Kalinga ang pagkilala mula sa Guinness World Records ngunit nabigo sila. Sa taon ito higit pa sa idinasal ng lalawigan ang kanilang pagnanais at tuluyang nagkatotoo.

Ang iba’t ibang grupo na lumahok sa Awong Chi Gangsa, Agtu’n Chi Banga Festival ng Kalinga. (Province of Kalinga Facebook Page)
Ang aerial view ng imaheng binubuo ng mga mamamayan ng Kalinga bilang simbolo ng Pagkakaisa at Kapayapaan. Ang mga tao ng Kalinga ay nabibilang sa mga tribong muti-etniko ngunit nagkakaisa sa kultura, prinsipyo at paniniwala. Isinagawa ang pagtatanghal na ito sa Kalinga Sports Complex ng nasabing lalawigan. (Province of Kalinga Facebook Page)