3-araw transport strike simula sa Lunes; 100k jeepney hindi papasada

Pagbabawalan nang bumiyahe ang mga tradisyunal na jeep matapos ang Hunyo 30 kung hindi sasailalim ang mga operator at driver sa kooperatiba na Public Utility Vehicle Modernization Program bilang kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. (Kuha ng Bilibb)

Nag-anunsyo noong Huwebes ang transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) ng tatlong araw na tigil-pasada sa buong bansa simula Nobyembre 20 hanggang Nobyembre 22.

Ang strike ay tugon ng PISTON bilang kanilang protesta na sumailalim sa public utility vehicle modernization program, na nakatakda ang deadline sa Disyembre 31, 2023. Base sa pahayag nito, hindi pa sila handa partikular sa pinansyal na sitwasyon para sumailalim sa naturang programa.

Ayon sa grupo, tinatayang 100,000 na jeepney ang sasali sa protestang ito kung saan maaapektuhan ang 40 ruta. Sa Metro Manila, mapaparalisa ang transportasyon sa Baclaran, Commonwealth, Katipunan, Monumento, at Novaliches.

Bago ang strike na ito, sa iisang isyu ay una nang nagsagawa ng transport strike ang Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers Para sa Karapatan sa Paggawa (Manibela) noong Oktubre.