3-araw nationwide transport strike kasado mula Abril 29

Katuwang ng Kilusang Mayo Uno at Bayan Muna party-list, ikinasa ng transport group na Progressive Transport group Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide o PISTON ang tatlong araw na nationwide na tigil-pasada sa Abril 29 hanggang Mayo 1.

Ang rally ay kaugnay ng pagtutol sa consolidation o Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na ninanais ng pamahalaan.

Para manatili sa operasyon ang jeepney at UV express units, ipinag-uutos ng pamahalaan na magtatag o sumali ang mga ito sa isang kooperatiba o korporasyon. Nakatakdang mapaso sa Abril 30 ang “final” extension ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa deadline para sa konsolidasyon.

“Kinakailangan natin itong gawin upang ipaglaban natin ang ating mga kabuhayan sa sektor ng transportasyon,” ayon kay PISTON deputy secretary general Ruben Baylon sa isang pulong na hinawakan ng Kamuning Bakery Cafe sa Quezon City itong Sabado.

Kaugnay pa nito, sinabi ni Pangulong Marcos na wala nang pagpapalawig pa sa deadline sa franchise consolidation.

Simula sa Mayo, ang mga unit na hindi pa pinagsama sa mga korporasyon o kooperatiba ay ituturing na colorum at hindi na papayagang magpatuloy sa operasyon sa kanilang kasalukuyang mga ruta. Ang kanilang mga lisensya ay babawiin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

 

 

Pagbabago sa nakasanayang jeep

Ang nakasanayang jeep ay nais ibahin ng pamahalaan upang magkaroon ng pagbabago sa transport system ng bansa.

Kasunod ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga unang jeepney ng bansa ay naging popular sa publiko. Ito ang maingay at umuusok na mga jeep na orihinal na ginawa mula sa mga inabandonang jeep ng mga Amerikano at ginawang pampasada sa araw-araw.

Makalipas ng pitong dekada, nais na ng pamalaan na mabago ito at gawing modern mini bus para sa kapakanan din ng mga namamasada at mga pasahero kabilang na ang kanilang kaligtasan.

Ang pagbabagong ito ay tinututulan din ng jeepney drivers at operators. Anila ay hindi nila kakayanin ang makabili ng modernong jeepney at maaari lamang itong magpalubog sa kanila kung dadaanin sa utang.

Gayundin, sinasalungat ng PISTON at ng iba pang organisasyon ang pagsasama-sama ng industriya dahil para sa kanila ay maaari nitong bigyan ang mga korporasyon at malalaking organisasyon ng monopolyo sa pampublikong sasakyan.