3-araw na selebrasyong Chinese New Year ilalarga ng QC

Tatlong araw na ilalarga ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang masaya at kumpletong selebrasyon ng Chinese New Year na magaganap sa Pebrero 9 hanggang Pebrero 11 sa Banawe Street na matatagpuan sa lungsod.

Dahil holiday ang Pebrero 10 bilang araw ng okasyon at gayundin ang Pebrero 9, naging oportunidad ito para palawigin pa ang promosyon ng Banawe Street bilang Chinatown tourism hub. Ito ang naging bahagi ng isinagawang press conference itong Miyerkoles.

“These festivities signify our commitment to promoting Banawe as a place to enjoy our unique Filipino-Chinese heritage through a variety of cultural attractions. Local and foreign tourists can take part in many delightful activities during the three-day celebration,” ani Quezon City Mayor Joy Belmonte sa isang pahayag.

“Magkakaroon din ng pagkakataon ang ating mga kababayan na mapalago ang kanilang kaalaman ukol sa mayamang kultura ng mga kapatid nating Chinese,” dagdag pa ng alkalde.

Sa pamamagitan ng City Ordinance No. 2453-2015, ang Banawe Street at mga bisinidad nito ay idineklarang Chinatown district, na pinakamalaki sa mundo dahil sa sukat na 5,919 square kilometers.

Sa isinagawang press conference hinggil sa selebrasyon ng Chinese New Year sa Pebrero 9-11, pinangunahan ito nina (mula sa kaliwa) Quezon City Tourism Department Officer-in-Charge Maria Teresa Tirona, Quezon City District 1 Representative Juan Carlos “Arjo” Atayde, ilang opisyal ng lungsod, at representatives ng Filipino-Chinese business communities na sumusuporta sa proyektong ito. (Kuha ng Bilibb)

Sa tatlong araw na pagdiriwang ay inaasahan na magkakaroon ng 100,000 turista bilang pampasigla ng turismo at ekonomiya, ayon kay QC Tourism Department Officer-In-Charge Maria Teresa Tirona.

Sa haba ng okasyon, ikakalat sa pagdarausan ng event ang 200 uniformed personnel ng Philippine National Police para mapanatili ang kaayusan dito. Gayundin, may seguridad na ipoporma sa mga rutang daraanan ng parada. Ito ang paniniyak ni Police District Chief Brig. Gen. Redrico Maranan.

Ang iba’t ibang aktibidad sa gaganaping 3-araw na selebrasyon ng Chinese New Year sa kalye ng Banawe sa Quezon City mula Pebrero 9-11.

Sa okasyong ito ay malaking partisipasyon at tulong ang patuloy na ibinibigay ng Filipino-Chinese community upang manumbalik pa ang tradisyunal na pagdiriwang ng Chinese New Year. Nasa ikalawang taon na ngayon ang pagdiriwang buhat nang magsara ang ekonomiya dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa unang araw ay magkakaroon ng QC Chinatown Heritage Tour kung saan makakasama rin dito ang media at influencers. Ilan sa mga sasadyain ay ang Sheng Lian Temple, the Buddhist Humanitarian Organization headquarters of the Tzu Chi Foundation, Filipino-Chinese Friendship arcs called “Paifangs”, ang Wow Toy Museum, at iba pa.

Aasahan din ang pabulosong cuisine, arts, at crafts expo na may mga Chinese specialty, lucky charm, at handcrafted goods.

Magkakaroon din ng adjustments sa mga kalsada na magsasara dahil sa selebrasyon kung kaya pinapayuhan ng Quezon City Government, mula sa kanilang Facebook page, ang mga motorista tungkol dito: