24 ambassadors: Dayalogo at kooperasyon sa Isabela

Ang ginanap na Economic Forum sa pagitan ng pamahalaan ng lalawigan ng Isabela, 24 ambassadors, at Department of Foreign Affairs na isinagawa noong Enero 24, 2025 sa City of Ilagan, Isabela. (Kuha ni Ann Esternon)

Naging makabuluhan ang 2-araw na pagdayo ng ambassadors mula sa 24 bansa sa lalawigan ng Isabela kamakailan.

Ang pagbisita ng 24 ambassadors ay isinagawa sa pamamagitan ng Economic Forum at Familiarization Tour.

Kabilang sa ambassadors ay mula sa Argentina, Austria, Bangladesh, Belgium, Brazil, Cambodia, Czech Republic, Germany, Greece, Hungary, Indonesia, Japan, Malaysia, Myanmar, New Zealand, Oman, Poland, Romania, Russia, Singapore, Switzerland, Thailand, Timor Leste, at Vietnam.

Si Isabela Governor Rodolfo Albano III habang nagsasalita sa Economic Forum sa harap ng ambassadors mula sa 24 bansa upang magkaroon ng oportunidad na mabisita at mamuhunan ang mga banyaga sa Pilipinas para sa paglago ng turismo at ekonomiya. (Kuha ni Ann Esternon)

 

Proyekto ng DFA, pakikiisa ng Isabela

Ang aktibidad na ito ay pangunahing proyekto ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung saan ang mga ambassador ay makalilibot sa mga local government upang maging pamilyar sa Pilipinas. Itinataon ito sa kapistahan ng mga lugar upang higit na makilala ang bansa, ekonomiya, kultura at iba pa.

Ang forum na ginanap noong Enero 24 ay nagsilbing mahalagang platform para sa dayalogo at kooperasyon. Ang pagtitipon ay nakatuon sa pagpapaunlad ng mutual understanding at pagpapalakas ng mga pagtutulungan sa pagitan ng international community at local governance.

Ilan sa 24 ambassadors na nakilahok sa Economic Forum na isinagawa noong Enero 24, 2025 sa City of Ilagan, Isabela. (Kuha ni Ann Esternon)

Malaking oportunidad din ito para maging bukas ang ibang mga bansa sa investments sa Pilipinas partikular sa lalawigan ng Isabela para sa pagpapasigla ng ekonomiya.

Sa pagtitipon, ang ambassadors ay malugod na binati at tinanggap nina Isabela Governor Rodolfo Albano III at asawang si Philippine Ambassador to Japan, H.E. Mylene Garcia Albano, at Vice Governor Faustino Dy III.

 

Mga proyekto at iba pang pagpapaunlad

Bilang first class province, ipinagmalaki ng pamahalaan ng Isabela ang tourism and investment plan nito kung saan patitingkarin pa ang “emerging destination” sa Region 2.

Sinisikap din ng Isabela na magkaroon pa ng flights availability mula at papunta sa lalawigang ito, pagdami ng maayos na mga kalsada, pagpapaganda ng seaport sa coastal areas, at ang pakikipag-ugnayan sa local at international trade fairs.

Ilan sa 24 ambassadors na nakilahok sa Economic Forum na isinagawa noong Enero 24, 2025 sa City of Ilagan, Isabela. (Kuha ni Ann Esternon)

Ambassadors sa Familiarization Tour

Gayundin, matapos ang forum ay nagkaroon ng Familiarization Tour para sa 24 ambassadors.

Si Vice Governor Faustino Dy III habang nagsasalita sa mga miyembro ng Diplomatic Corps, at Department of Foreign Affairs para sa pagprogresibo pa ng lalawigan ng Isabela na isinagawa sa isang Economic Forum noong Enero 24, 2025 sa City of Ilagan, Isabela. (Kuha ni Ann Esternon).

Ang mga ito ay bumisita sa Philippine Crocodile Conservation Center sa San Mariano, Mr. Moo’s Dairy Farm sa City of Ilagan, Universal Leaf Philippines, Inc. factory sa Reina Mercedes, Nagkaisang Magsasaka ng Isabela Agriculture Cooperative (o NMIAC) rice mill sa Cauayan City, historical churches, at iba pa.

Syempre pa, nakilahok din ang mga ito sa ginanap na 2025 Bambanti Festival.

“The Bambanti Festival was incredibly vibrant. I was so impressed with the stalls that represented many municipalities of Isabela province. There were products like dairy, honey, and cacao that showcased the province’s agricultural richness,” ani Ambassador Catherine McIntosh ng New Zealand, batay sa Facebook post ng Isabela PIO.

Ang 24 ambassadors kasama ng iba pang mga turista sa pagbisita sa Saint Matthias Parish Church, na kilala sa tawag na Tumauini Church sa bayan ng Tumauini sa Isabela. (Kuha ng Isabela)