15K pulis ipakakalat sa gaganaping Pista ng Itim na Nazareno

File photo (Philippine National Police Facebook page)

Aabot sa 15,000 pulis ang ipakakalat sa iba’t ibang lugar na masasakupan ng nalalapit na Pista ng Itim ng Nazareno. Ito ang inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) upang masiguro ang kaligtasan ng publiko partikular ang mga debotong sasali sa Traslacion sa Enero 9.

Dahil inaasahan na aabot sa dalawang milyon ang makikibahagi sa taunang pista, maaaring dagdagan pa ang bilang ng mga pulis na magbabantay sa seguridad ng mamamayan.

Kaugnay pa nito, simula sa Enero 7 hanggang Enero 10, magpapatupad ang PNP ng No Fly Zone, Drone Zone, at No Sail Zone sa mga nasasakupan ng Quirino Grandstand sa Rizal Park at Simbahan ng Quiapo.

Asahan na rin ang signal jamming sa kapistahan kung saan may hadlang sa reception upang hindi makatawag at makapagbigay ng mensahe online upang maiwasan ang maaaring kaguluhan at masiguro ang kaligtasan ng lahat.

Magpapatupad din ng gun ban at liquor ban sa mga lugar na nasasakupan ng kapistahan.

 

Mga bawal sa gaganaping Pista ng Itim na Nazareno ayon sa PNP

– Bawal ang backpack na hindi transparent

– Bawal ang sombrero

– Bawal ang payong

– Bawal magdala ng mga canister at bote na hindi transparent

– Bawal ang nakainom ng alak at pag-inom ng alak

– Bawal ang mga paputok o firecrackers

– Bawal ang matutulis na bagay na maaaring makapanakit

– Bawal ang anumang armas

– Bawal magdala ng anumang bagay na maaaring pagsimulan ng apoy

 

Mga kautusan ng Simbahan ng Quiapo para sa Pista ng Itim na Nazareno

– Bawal sumampa sa Andas

– Bawal magtulakan

– Bawal magdala ng maraming gamit o malaking mga bag. Kung magdadala ng bag, mas mainam na ito ay “transparent bag” para sa madaliang pag-inspeksyon

– Sa mga may karamdaman at mga bata, mag-abang sa gilid ng kalsada

– Bago ang Traslacion, huwag kalimutan na kumain upang may sapat na lakas

– Maaaring maghagis ng panyo upang maipunas sa Mahal na Poong Jesus Nazareno

– May pasanan pa rin ng pingga at paghila sa lubid ngunit gawin nang maayos