135 wika: Pagkilala sa Buwan ng Wikang Pambansa

Bilang paghahanda sa selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Agosto, ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay nagsagawa ng press conference sa Quezon City noong Hulyo 27 na may kaugnayan din sa kanilang mga nakatakdang proyekto sa hinaharap.

Naging sentro ng talakayan kung ilang ang lehitimong bilang na wikang mayroon at ginagamit sa Pilipinas.

Ayon sa KWF, ang bilang ng wikang mayroon ang bansa sa kasalukuyan ay 135 kabilang ang Filipino sign language. Samantala, walang katiyakan kung ilan ang diyalekto o wikain na ginagamit natin.

Ang wika o lengguwahe ay binubuo ng mga simbolo, tunog, senyales, at sistema ng paggamit sa mga ito na laganap sa isang sambayanan na may iisang tradisyong pangkultura at pook na tinatahanan.

Ano ang mga halimbawa ng pagkakaiba ng wika/lengguwahe sa diyalekto?

Ang Tagalog ay isang wika o lengguwahe. Samantala ang diyalekto ay tulad ng Tagalog-Bataan, Tagalog-Nueva Ecija, Tagalog-Bulacan, Tagalog-Rizal, Tagalog-Laguna, Tagalog-Batangas, Tagalog-Quezon, Tagalog-Mindoro, Tagalog-Marinduque, at Tagalog-Palawan. Samakatuwid, ang wikang Tagalog ay may 10 diyalekto.

Ano ang tungkulin ng KWF para maging basehan ng impormasyon ng publiko hinggil sa lengguwahe?

Ang KWF na nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas at itinatag noong Agosto 14, 1991 ay binuo sa pamamagitan ng Batas Republika Bilang 7104. Ang ahensyang ito ay may tungkuling magsagawa, mag-ugnay at magtaguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga katutubong wika ng Pilipinas.

Buwan ng Wikang Pambansa

Ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ay tuwing Agosto at ito ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 1041 na nilagdaan noong Hulyo 15, 1997 ni dating Pangulong Fidel V. Ramos. Pinalawig ng kautusan ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika mula Agosto 13 hanggang 19, hanggang sa buong buwan.

Itinapat ang pagdiriwang bilang pagpupugay kay dating Pangulong Manuel L. Quezon na kilala bilang Ama ng Wika, na isinilang noong Agosto 19, 1878.

Samantala idineklara ring bilang Buwan ng Kasaysayan ang Agosto ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III sa bisa ng Proclamation No. 339 dahil ang mga pangunahing kaganapan sa kasaysayan ng bansa ay naganap sa nasabing buwan.

Sa Agosto, ang Buwan ng Wikang Pambansa ay nasa ilalim ng temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”

Mga aktibidad ng KWF

Ang KWF ay magkakaroon din ng lingguhang tema para higit pang bigyang ng kamalayan at kahalagahan ang ating wika kung saan tampok dito ang mga sumusunod:

Agosto 1-5: Pagkilala at Pagtaguyod sa Filipino Sign Language (FSL) bilang Pambansang Wikang Senyas ng Pilipinas

Agosto 7-12: Mga Wikang Katutubo: Midyum ng Pagtuturo, Pananaliksik, at Pagkakaisa

Agosto 14-19: Mga Wikang Katutubo: Kasangkapan ng Siyensiya at Teknolohiya tungo sa Maunlad na Bansang Pilipinas

Agosto 21-26: Mga Wikang Katutubo: Pambansang Pag-uswag at Pakikipagkapuwa sa Pagpapaunlad ng Katarungang Panlipunan; at

Agosto 21-26: Wikang Filipino: Wikang Mapagbangon (21–26 Agosto).

Gayundin, ang ahensya ay magsasagawa ng serye ng webinar, talakayang pangwika mula sa iba’t ibang unibersidad sa Pilipinas, mga timpalak, paglulunsad ng mga aklat, at Araw ng Parangal.

Buod ng kasaysayan ng ahensyang humahawak sa pagpapaunlad ng wikang Filipino

– Noong 1937, sa bisa ng Commonwealth Act No. 184 ay nabuo ang National Language Institute o Suriaan ng Wikang Pambansa.

– Noong Enero 1987 isinilang ang Institute of Philippine Languages (IPL o Linangan ng mga Wika sa Pilipinas) sa bisa ng Executive Order No. 117 sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Corazon C. Aquino.

– Noong August 14, 1991 nabuwag ang IPL at nagkaroon ng Commission on the Filipino Language (CFL) na mas kilala rin sa tawag na Komisyon sa Wikang Filipino.

Para sa higit pang impormasyon, magsadya sa opisyal na website ng KWF.