106 lungsod, munisipalidad nasa state of calamity dahil sa El Niño

Dahil sa tumitinding epekto ng El Niño, nasa ilalim ngayon ng state of calamity ang 106 lungsod at munisipalidad sa bansa, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ang mga lugar na naapektuhan ng El Niño ay kinabibilangan ng Bicol (12), Cagayan Valley (66), CALABARZON o Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon (4), CARAGA o Caraga Administrative Region (23), at SOCCSKSARGEN (1). Iniulat din ng (NDRRMC) na umabot na sa 388,375 katao o 104,149 pamilya ang apektado ng masamang lagay ng panahon.

Dahil din sa nararanasang matinding init, ang lokal na pamahalaan sa CARAGA region ay nagdeklara ng suspension ng klase kung saan ito ay nasa 33 lungsod at munisipalidad.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, ang El Niño ay isang natural na nagaganap na penomenong panklima at ito ay pagtaas ng temperatura sa ibabaw ng dagat sa gitna at silangang Karagatang Pasipiko. Ang pagbabagong ito sa mga kondisyon ng karagatan ay nagreresulta sa kapansin-pansing pagbaba o pagbawas ng ulan, matagal na tuyong panahon, at pagtaas ng temperatura sa Pilipinas (kasama rito ang nararamdamang alinsangan).

Bunsod din ng epekto ng El Niño, nakapagtala ng 39 na sunog sa mga kagubatan at kabundukan sa Caraga Administrative Region.

Samantala, ayon sa datos ng Department of Agriculture umakyat na sa P5,580,172,296.84 ang halaga ng nasira ng El Niño.