Ang kahalagahan ng pakikipaglaban para sa teritoryo sa pamamagitan ng sining biswal ay lumalampas sa simpleng kompetisyon; ito ay sumasalamin sa malalim na pakikilahok sa pagkakakilanlan, kultura, at mga dinamika ng lipunan.
Ang mga sining biswal, sa kanilang iba’t ibang anyo, ay nagsisilbing makapangyarihang daluyan para ipahayag ang mga kumplikadong aspeto ng teritoryalidad, na nagbibigay-daan sa artists na tuklasin at hamunin ang mga konsepto ng pagmamay-ari, komunidad, at pag-aari.
Noong Hulyo 7, sa pakikipagtulungan sa National Library of the Philippines (NLP), opisyal na inanunsyo ang 100 finalist para sa West Philippine Sea (WPS) Mural Festival 2026 sa ilalim ng pamumuno ni Festival Director at Lead Muralist Amado Guerrero “AG” Saño.
Ang mga mural na ito ay binubuo ng malalaking likhang-sining na direktang ipipinta sa mga permanenteng pader sa iba’t ibang panig ng bansa. Isa sa mga alituntunin ng kompetisyon ay kinakailangang ang bawat mural entry ay may sukat na 15 square meters na naka-display sa mga pampublikong lugar.
Ang event ay kasabay ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng makasaysayang desisyon ng arbitral tribunal na kumilala sa mga karapatan ng Pilipinas sa WPS. Dumalo rito sina Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr., Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, Philippine Coast Guard Spokesperson on WPS Concerns Rear Admiral Jay Tarriela, AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, at Retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na kilalang vocal advocate ng WPS.
“Gusto kong pasalamatan unang-una ang mga artist (na) literal from Aparri hanggang Jolo na sumali rito sa panawagan na maging parte ng laban na ito. Siyempre ang mismong grupo ng aming committee na matagal nang pinaghihirapan, pinagsasakripisyuhan na mapatakbo itong festival, kailangan natin silang pasalamatan. Ang nakaisip nito ay mismong founder na si Direk Baby Ruth Villarama na isang masugid na tagapagtanggol ng West Philippine Sea bilang artista,” ayon kay Saño. “Kasama ang mga ahensya ng pamahalaan na backbone ng festival na ito pati na rin ang ibang grupo na sumusuporta – civil society groups, at iba pa para maisakatuparan ang mural (competition).”
Sa paglulunsad pa lamang ng festival noong Pebrero 10 sa Taguig—na inorganisa ng We Protect our Seas, isang non-governmental, nonprofit, at nonpartisan volunteer organization na nakatuon sa pagsusulong ng mapayapang mga pamamaraan ng paglutas ng mga hidwaan sa WPS at mas malawak na South China Sea—ang inisyatiba ay nakatanggap ng papuri at mga panawagan para sa suporta mula sa publiko, at ngayon ay nakakukuha ng mas malaking pagkilala.

Ilan sa mga kilalang personalidad na dumalo sa okasyon ay sina Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr., Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, Philippine Coast Guard Spokesperson on WPS Concerns Rear Admiral Jay Tarriela, AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, at Retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na kilalang vocal advocate ng WPS.
“These works of art are expressions of awareness and knowledge. And the task now is to bridge this into ownership, then actualization, and utilization. Because what these murals represent are entitlements of not only us, but more importantly, future generations of Filipinos,” ayon kay Secretary Teodoro.
Sa festival theme na “Kulayan. Karagatan. Kalayaan.” o Kulayan ang Karagatan para sa Kalayaan, ito ay binubuo ng 220 kalahok mula sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Mula rito, 100 entries ang kalaunang pinili para sa karagdagang pagsusuri ng mga iginagalang na personalidad at mga artistang biswal.
Ang Top 100 National Finalists —na bawat isa ay tatanggap ng gantimpalang P30,000—ay kasalukuyang itinatampok sa isang roadshow sa NLP sa Ermita Maynila. Gaganapin naman sa National Museum of the Philippines ang seremonya ng paggawad ng parangal para sa Top 3 at special prizes. Sa museo rin ipamamalas ang lahat ng 220 mga canvas replica ng Filipino artists, collectives, students, at community organizations bilang pagkilala sa kanilang mga obra.
“Ang West Philippine Sea, hindi lang atin ito. Pag-aari ito ng mga susunod na Pilipino kung kanino tayo may sagradong obligasyon na pangalagaan ito, kunin ito, at gamitin ito para humubog ng bagong Pilipinas na matatag at malakas para sa ganoon hindi na nila mararanasan ang dinadanas natin,” dagdag pa ni Secretary Teodoro. “Makagagawa sila ng mabuti hindi lang para sa bansa kung hindi para sa mundo dahil ang talent at creativity at industriousness ng Pilipino hindi lang dama naman dito – dama sa buong mundo. Because of the Filipino is not only a citizen of the Philippines but good citizen of the world unlike other countries.”
Ang pinahahalagahang bahaging dapat makita sa bawat mural ay ang pagpupugay na iniaalay ito sa bansa. Para kay Saño, ang festival na ito ay pagdiriwang ng mga Pilipino.
“Bagama’t isang kompetisyon ito, bilang festival, ano ba sa Tagalog ang festival? Puwedeng sabihing pagdiriwang. Ipinagdiriwang natin ang laban, lakas ng tao, ang lakas ng artistang Pilipino para sa kinabukasan ito ng lahat (mula) Aparri hanggang Jolo na mga artistang bayan. Ito ay para sa kasarinlan, para sa mapayapa, at para rin sa kabuhayan,” ani Saño.
Ang Top 3 winners ay iaanunsyo sa Nobyembre. Kabilang sa mga premyo para sa nangungunang tatlong kalahok ang ₱1,000,000 (first place), ₱500,000 (second place), at ₱350,000 (third place).
Para sa ibang canvas replica ng entries sa kompetisyon, tingnan dito.

