10 kaabang-abang na pelikula sa Japanese Film Festival

Sa isinagawang press briefing ng Japanese Film Festival noong Enero 10 sa Shangri-La Red Carpet Cinema makikita sa larawan sina (mula sa kaliwa) Show Suzuki bilang emcee, director Ben Suzuki ng Japan Foundation, Manila; executive vice president Joy Polloso ng Shangri-La Plaza Corporation, at deputy director Yoshiro Taraka ng Japan Foundation, Manila. (Kuha ng Bilibb)

Dahil bukas na bukas na ang ekonomiya mula sa hagupit ng pandemyang dala ng COVID-19, marami ang nagbabawi at nanabik nang husto sa pagbubukas din ng mga sinehan. Kasabay nito, exciting ding malaman na nagbabalik ang Japanese Film Festival (JFF) para sa taong ito.

Matapos ang dalawang taon na hindi nasilayan ang on-site screenings ng JFF, nakalatag nang muli ang 10 award-winning at must-see full-length films nito sa iba’t ibang lugar sa bansa mula Enero 20 hanggang Pebrero 22. At sa P100 ay mapapanood ang bawat pelikula nila!

Ang JFF na dating EIGA SAI ay may 18 overseas office na pinamamahalaan ng Japan Foundation. Samantala, dito sa Pilipinas ito ay nasa pangunguna ni director Ben Suzuki.

Kada taon, ang JFF ay may lawak na audience na 25,000 dito sa Pilipinas. Unang bibida ang naturang festival sa Shangri-La Plaza sa Mandaluyong City sa Enero 22 hanggang Pebrero 3.

Sa isinagawang press briefing noong Enero 10 sa Shangri-La Red Carpet Cinema sinabi ni Suzuki na bubuksan ang festival sa obra ni film director Hosoda Mamoru na Belle. Sa 2021 animated film na ito tampok ang mga boses nina of Nakamura Kaho at Satoh Takeru. Gayundin, pinasalamatan ni Suzuki ang kanilang screening partner.

Ang isang tagpo sa suspense-thriller na pelikulang Intolerance. Ito ay kalahok sa Japanese Film Festival na mapapanood mula Enero 20 hanggang Pebrero 22, 2023.

“We are very fortunate to have Shangri-La Plaza again and Red Carpet Cinema as our venue partner. So thank you to the team of Shangri-La Plaza headed by executive vice president Joy Polloso,” ani Suzuki. “Also you may be aware that we are now, aside from the upcoming on-site cinema showing, we are now having the online Japanese Film Festival + Independent Cinema of Japan so you can enjoy online and on-site films.”

Ayon pa sa naturang direktor, patuloy ang JFF sa mga bago at contemporary taste para sa pag-angat pa ng pelikula ng mga Hapon na may global prospective. Sa pagkakataong ding ito ay mas nagiging matibay pa ang ugnayan ng mga Pilipino sa kanilang lahi sa pamamagitan ng mga makabuluhang nasabing uri ng mga obra.

Ang mga pelikula ay sabayang mapapanood sa SM City Baguio, SM Seaside Cebu, SM City Davao mula Enero 27 hanggang 31; susundan ito ng Cinematheque Manila, Cinematheque Negros, Cinematheque Iloilo, Cinematheque Davao, Cinematheque Nabunturan mula Enero 28 hanggang 29; at sa UP Cine Adarna (Quezon City) mula Pebrero 17 hanggang 22.

Ang mga ipinagmamalaking pelikula ng JFF

Dalawang outstanding suspense-thriller na pelikula ang aabangan sa festival na Intolerance at In the Wake.

May tatlong pambihirang drama rin sa kanilang Every Day A Good Day, Blue at ang And So The Baton Is Passed.

Kasama rin dito ang apat na bagong pelikula na Anime Supremacy!, Blue Thermal, Lesson In Murder, at ang Inu-Oh.

Para sa buong detalye at film line up, sundan ito sa https://bit.ly/3CHO7YT